Home NATIONWIDE South China Sea dapat manatiling ‘sea of peace, cooperation’ – PBBM

South China Sea dapat manatiling ‘sea of peace, cooperation’ – PBBM

1
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi dapat maging sentro ng alitan ang South China Sea o West Philippine Sea kundi manatiling dagat ng kapayapaan, kooperasyon at pagkakaugnay ng mga bansa.

Sa ginanap na diplomatic reception para sa ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Award na pumabor sa Pilipinas laban sa China, hinimok ng Pangulo ang mga pamahalaan, diplomat at mamamayan na patuloy na itaguyod ang rule of law bilang pundasyon ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

“We hold a simple but unwavering conviction. The South China Sea must never be an arena of conflict,” ani Marcos sa kanyang talumpati sa Conrad Manila sa Pasay City.

Aniya, dapat manatili itong “sea of peace, cooperation and connectivity” na nagsisilbing pinagkukunan ng kabuhayan, nagpapalago ng kalakalan, nangangalaga sa yamang-dagat at nagbubuklod sa mga bansa sa halip na maghiwalay sa mga ito.

Binigyang-diin ng Pangulo na ang pangmatagalang kapayapaan ay maisasakatuparan lamang kung ito ay nakabatay sa katarungan, paggalang sa isa’t isa at pagkakapantay-pantay ng lahat ng mga bansa.

Ipinaalala rin ni Marcos na pinili ng Pilipinas ang arbitrasyon mahigit isang dekada na ang nakalipas batay sa paniniwalang ang mga alitan sa pagitan ng mga bansa ay dapat maresolba sa mapayapang paraan at sa ilalim ng batas, hindi sa pamamagitan ng pamimilit, pananakot o paggamit ng puwersa.

Ayon sa Pangulo, pinili ng Pilipinas ang diyalogo kaysa komprontasyon, batas kaysa intimidasyon at kapayapaan kaysa sigalot nang ihain nito ang arbitration case noong 2013, na nauwi sa makasaysayang arbitral ruling noong 2016.

Iginiit din niya na ang kahalagahan ng naturang desisyon ay hindi lamang tungkol sa legal na usapin at maritime claims kundi may direktang epekto rin sa kabuhayan at kinabukasan ng mga Pilipino.

Tiniyak din ni Marcos na nananatiling nakatuon ang Pilipinas sa pagsunod sa United Nations Charter at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), habang patuloy na nakikipag-ugnayan sa ibang mga bansa sa pamamagitan ng konstruktibong diplomasya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here