MANILA, Philippines- Tinatayang nasa P1.2 bilyon halaga ng mga iba’t ibang ipinagbabawal na produkto ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang pag-iinspeksyon sa mga magkakaibang bodega sa Malabon City moong Marso 11, 2025.
Ayon sa BOC, sa bisa ng Letter of Authority ay nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), Enforcement and Security Service-MICP, at Philippine Coast Guard-Task Force Aduana sa iba’t ibang bodega kung saan nadiskubre nila ang malaking bulto ng mga pekeng produkto, disposable vape na walang Bureau of Internal Revenue (BIR) tax stamps at Department of Trade and Industry (DTI) Import Commodity Clearance (ICC) stickers, at mga unregulated merchandise.
Dahil dito, agad na sinelyuhan at ikinandado ng BOC ang mga ininspeksyon na mga bodega upang masigurong hindi magalaw ang mga nakumpiskang kalakal hanggang sa magsagawa ng opisyal na imbentaryo.
Nabatid na maglalabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa mga nakumpiskang produkto dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) kaugnay ng Republic Act No. 8293, na kilala rin bilang Intellectual Property Code of the Philippines. JR Reyes