Home NATIONWIDE P1.8M halaga ng mga kinumpiskang gamit, sinira ng DTI

P1.8M halaga ng mga kinumpiskang gamit, sinira ng DTI

MANILA, Philippines – Libo-libong kumpiskadong gamit na nagkakahalaga ng P1.8 milyon ang sinira nitong Biyernes, Marso 15 sa compound ng Department of Trade and Industry-Fair Trade Enforcement Bureau sa Makati City.

Aabot sa 3,100 ang bilang ng mga gamit mula sa mga helmet, vape products, monobloc chairs, sanitary wares at maging mga paputok.

Ayon kay DTI Assistant Secretary Amanda Nograles, ang mga ito ay hindi dumaan sa tamang proseso ng testing sa quality assurance.

Dahil dito, walang PS mark o ICC sticker ang mga ito.

“‘Yung iba naman dito, meron silang PS mark or ICC sticker pero peke. Hindi napatunayan ng mga sellers na ito, mga manufacturers na ito, na dumaan sa proseso sa DTI,” ani Nograles.

Nagbabala ang DTI sa publiko sa pagbili at paggamit ng mga produkto na may pekeng PS mark o ICC sticker.

“Wala tayong assurance kung safe ito for our consumers. ‘Yung quality nito hindi rin tayo sigurado. Halimbawa, ‘yung helmet. Hindi siya na-test kung safe siya for our motorcycle riders,” sinabi pa ni Nograles.

Samantala, ang mga vape na sinira ay may flavor descriptions at nakakaakit na disenyo na layong hikayatin ang mga menor de edad.

“Bawal ‘yung mga vape products na targeted toward minor,” sinabi ni Nograles.

Siniguro ng DTI na ang mga nasamsam na gamit ay hindi na maititinda sa mga pamilihan.

“‘Yung mga bagay na puwede i-recycle, ire-recycle. Pero sisiguraduhin natin ‘yung mga nakokolekta at nako-confiscate ay hindi babalik sa merkado,” sinabi ni DTI Undersecretary Jose Edgardo Sunico. RNT/JGC

Previous articleSunog sumiklab sa plastic waste segregation plant sa QC
Next articleOperasyon ng Chocolate Hills resort ipinahinto ng DENR