MANILA, Philippines – NASA kabuuang P1.9 bilyon halaga ng iba’t-ibang mga iligal na produkto ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang magkakasunod na operasyon sa mga bodega sa Guiguinto, Bulacan nitong nakaraang buwan.
Nabatid sa BOC, sa isinagawang tatlong araw na operasyon ay nagbunga ang pagkakadiskubre sa mga iligal na kargamento tulad ng mga tuyong tabako, mga pekeng kagamitan, mga segundamanong mga damit at iba pang mga mga items sa iba’t ibang bodega sa nasabing lugar.
Ayon sa BOC, sa unang operasyon noong Nobyembre 6 ay nadiskubre ang mga used clothing, sapatos, at mga pekeng branded na produkto na nagkakahalaga ng P1.25 bilyon, habang ang follow-up na inspeksyon sa isa pang bodega noong Nobyembre 8 ay nagresulta sa pagkakadiskubre ng P694.4 milyong halaga ng pinatuyong tabako sa mga sako at cigarette filter rods sa humigit-kumulang 6,944 case ng sigarilyo.
Nabatid na binigyan ng BOC ng 15 araw ang mga may-ari ng warehouse para magsumite ng mga dokumento para patunayan ang lehitimong importasyon ng mga nasamsam na produkto at tamang pagbabayad ng buwis alinsunod sa Section 224 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ayon sa batas, maaaring kasuhan ang mga may-ari ng mga bodega dahil sa paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines at Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN Law). Jay Reyes