Home NATIONWIDE P1-B, inilabas ng DBM sa AI-powered flood forecasting, disaster prevention

P1-B, inilabas ng DBM sa AI-powered flood forecasting, disaster prevention

1
0
IPINAKITA ng tauhan ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council sa kanilang monitor screen ang paggalaw ng super typhoon “Nando” kung saan ay nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services (PAGASA) sa publiko para sa mga posibleng pagbaha, pagguho ng lupa, at storm surge dahil ang super typhoon Nando na magdadala ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan habang tumitindi ang habagat. JOJO RABULAN

MANILA, Philippines — Naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P1 bilyon sa University of the Philippines System upang palakasin ang flood forecasting at real-time hazard monitoring ng Project NOAH.

Mula sa kabuuang halaga, P935 milyon ang mapupunta sa research services habang P65 milyon ang ilalaan sa general management at supervision ng programa. Kukunin ang pondo sa nakapaloob na alokasyon ng UP System sa 2026 national budget.

“Hindi natin kailangang hintayin na tumaas ang tubig bago tayo kumilos. The goal is to know where the danger is, who is at risk, and what needs to be done before disaster strikes,” ani DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon.

Popondohan nito ang pagbili at deployment ng ICT, digital, technical, at scientific equipment, pagkuha ng specialized personnel, at pagtatayo ng operational support systems.

Pinangangasiwaan ng UP Resilience Institute ang Project NOAH, na gumagamit ng AI-enhanced modeling, Light Detection and Ranging o LiDAR mapping, at data analytics upang makabuo ng real-time hazard assessments at predictive flood scenarios.

Layunin ng mga impormasyong ito na tulungan ang mga ahensya at lokal na pamahalaan na matukoy nang mas maaga ang mga komunidad na nanganganib at makapagpasya bago at habang may emergency.

“This P1-billion investment in Project NOAH is an investment in prevention,” ani De Leon. “We are putting science, AI, and real-time hazard information to work so government can act earlier [and] communities can prepare better.”

Binigyang-diin niyang hindi mapipigilan ng forecasting technology ang pagdating ng bagyo o malakas na ulan, ngunit makatutulong ang napapanahong impormasyon upang mabawasan ang pinsala sa buhay, kabuhayan, at imprastraktura.

Nauna nang nakipagtulungan ang DBM sa UP NOAH upang isama ang disaster-risk data sa Project DIME, na ginagamit sa pagsusuri sa exposure at resilience ng mga proyektong imprastraktura ng pamahalaan. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here