Home NATIONWIDE P136M ismagel na gulay, tobacco sa Subic port nasamsam

P136M ismagel na gulay, tobacco sa Subic port nasamsam

MANILA, Philippines – Kinumpiska ng mga awtoridad nitong Miyerkules, Setyembre 11 ang nasa P136 milyong halaga ng carrots, yellow onions at tobacco products sa Port of Subic na illegal na ipinuslit sa bansa.

Nasamsam ng Department of Agriculture (BOC) at Bureau of Customs (BOC) ang limang container van na naglalaman ng mga sariwang carrots at yellow onions na nagkakahalaga ng P21 milyon, at dalawa pang container van na naglalaman naman ng mga sigarilyo. Nagkakahalaga naman ito ng P115 milyon.

Ang limang container ng sariwang carrots at yellow onions ay inimport galing China ng Betron Consumer Goods Trading, na orihinal na idineklara bilang frozen fish egg balls.

Sa kabilang banda, ang dalawang container ng tobacco products naman ay nagmula sa Taiwan na inangkat ng Subic All N1 Corp., na may mga tisyu sa harap ng van ngunit napag-alaman na may mga laman din palang sigarilyo.

“Clearly, these are smuggled goods that rob our government of tariff revenue, pose a risk to public health, and undermine the livelihood of our vegetable farmers,” sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

“As directed by President Ferdinand Marcos Jr., we will be relentless in our effort to go after these smugglers,” dagdag pa niya.

Ayon kay Bureau of Plant Industry director Gerald Glenn Panganiban, ang mga nakumpiskang gulay ay susuriin muna at aalamin kung ligtas kainin ng tao.

Ang mga imported agricultural product na babagsak sa mga pagsusuri ay sisirain at hindi ipakakain sa mga tao.

Obligadong makakuha ng sanitary at phytosanitary import clearances ang mga ipinapasok na sariwang gulay at iba pang agricultural products sa bansa upang maprotektahan ang kalusugan ng mga tao, halaman, at maging ang mga hayop.

Iniiwasan din nito na makapasok ang mga sakit na posibleng dala nito. RNT/JGC