MANILA, Philippines – NASA higit P156 milyon halaga ng mga ipinagbabawal na sigarilyo ang sinira ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Northern Mindanao bilang bahagi ng kanilang nationwide crackdown sa tax evasion.
Nabatid kay BIR Revenue Region 16 Officer in Charge Raihana Menelifa Lucman na ang dalawang araw na pagsira sa mga ipinagbabawal na produkto na nagsimula noong Miyerkules ay binibigyang-diin ang pangako ng ahensya sa pagpapatupad ng mga batas sa buwis.
Ang naturang kampanya ay isang prayoridad sa ilalim ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., na ang target ay mga ipinagbabawal na sigarilyo, vape, at iba pang mga produktong binubuwisan na umiiwas sa wastong pagbabayad ng buwis, na siyang nakakaapekto sa inaasahang koleksyon ng ahensya.
Sinabi ni Lucman na ang mga sinirang kontrabando ay pawang mga ipinagbabawal na produkto na nakumpiska mula Enero hanggang unang bahagi ng Marso, sa tulong ng Police Regional Office 10 (Northern Mindanao). Jay Reyes