Home METRO P1B sa 2024 budget inilaan sa Marawi 

P1B sa 2024 budget inilaan sa Marawi 

MANILA, Philippines – TINATAYANG P1 billion ang inilaan para sa Marawi Siege Victims Compensation Program na nakapaloob sa panukalang national budget para sa susunod na taon.

Ito ang mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ukol sa P5.768-trillion proposed budget para sa 2024 na isinumite sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, araw ng Miyerkules.

Ayon sa Pangulo, ang halagang ito ay gagamitin para payagan ang Marawi Compensation Board na magbigay ng tax-free compensations at/o pagbabayad-pinsala sa lahat ng kuwalipikadong claimants kung saan ang mga ari-arian at pag-aari ay napinsala sa Marawi Siege noong 2017.

“Around 12,000 people are looking to file claims with the Marawi Siege Victims Compensation Fund,” ayon sa Marawi Compensation Board.

Mula nang buksan at simulan ang aplikasyon noong Hulyo 4 hanggang Hulyo 27, may kabuuang 3,323 claimants ang nag- book para sa appointment.

Sinasabing may 2,283 katao lamang ang nakakompleto ng paunang hakbang ng aplikasyon na na-screen.

Habang may 264 katao naman ang nalagay sa temporary docket dahil sa kakulangan ng requirements.

Ang mga biktimang nawalan ng tirahan noong Marawi Siege ay maaaring humingi ng kompensasyon na P18,000 “per square meter” para sa kabuuang damaged structures.