MANILA, Philippines – Arestado ang apat na hinihinalang high-value na tulak nitong Linggo, Disyembre 21 sa magkakahiwalay na operasyon sa Rizal, Batangas, at Laguna na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mahigit P2.4 milyong halaga ng shabu at illegal na armas.
Sa report na inilabas nitong Lunes, Disyembre 22, sinabi ng Police Regional Office 4A (PRO-4A) na naaresto ng anti-narcotics operatives sa Cainta, Rizal, ang dalawang suspek na kinilalang sina alyas “Tres” at “Burnok” bandang 7:20 ng gabi matapos pagbentahan ng P500 halaga ng shabu ang undercover pulis sa Barangay Sto. Domingo.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang pitong heat-sealed plastic sachets at dalawng knot-tied plastic bags na naglalaman ng hinihinalang shabu at tumitimbang ng 200 gramo at nagkakahalaga ng P1,360,000.
Narekober din ng pulisya ang hindi dokumentadong caliber .22 revolver na kargado ng apat na rounds ng ammunition.
Ang dalawang suspek ay pasok sa high-value individuals (HVIs) sa illegal drug trade.
Sa hiwalay na operasyon sa San Juan, Batangas, naaresto naman ang suspek na kinilalang si “Mark” sa Barangay Sampiro bandang 7:20 ng gabi.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang isang plastic sachet at isang knot-tied plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 91.2 gramo at nagkakahalaga ng P620,160.
Ang suspek ay itinuturing din na HVI.
Samantala, naaresto naman sa Cabuyao City, Laguna, ang isa pang tulak na kinilalang si “Henry” sa operasyon ng pulisya sa Barangay Banay-Banay bandang 10:20 ng gabi.
Narekober naman sa kanya ang pitong plastic sachet at dalawang knot-tied plastic bags na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 70 gramo at nagkakahalaga ng P476,000.
Nakumpiska rin ang motorsiklo na pinaniniwalaang ginagamit ng suspek sa pagtutulak.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pinagmumulan ng illegal na droga.
Ang apat na suspek ay nasa kustodiya ng pulisya at nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at iba pang kaukulang reklamo. RNT/JGC