MANILA, Philippines – Nakaamba na ang posibilidad na maaresto ang bussiness tycoon na si Atong Ang kaugnay sa isyu o kasong kinakaharap niya sa mga nawawalang mga sabungeros.
Sa kumpirmasyon ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, pormal nang naisampa ang kaso laban kay Ang at 20 iba pang indibidwal na may kaugnayan sa 10 counts of Kidnapping with Homicide at 16 counts of Kidnapping with Serious Illegal Detencion.
Ayon kay Atty. Martinez, naihain ang kaso noong Biyernes sa Lipa City, Batangas, Sta.Cruz, Laguna at San Pablo, Laguna.
Ipinaliwanag ng DOJ na batay sa Revised Rules of Criminal Procedure, ang mga hukuman kung saan inihain ang mga kaso ang siyang magsusuri kung may umiiral na probable cause, batay sa mga ebidensiyang isinumite at sa resolusyon ng panel of prosecutors.
Maglalabas naman ng kaukulang warrant of arrest ang DOJ laban sa mga akusado kapag natukoy ng korte na may sapat na batayan.
Idinawit ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan si Atong Ang sa pagkawala ng mga sabungeros.
Sa resolusyon nito, natuklasan ng mga prosecutor na ang sinumpaang pag-amin ni Patidongan at kanyang kapatid na si Ellakim ay nagpatunay na si Ang ay umano’y nagsagawa ng command responsibility at aktibong panghihikayat sa mga oeprasyon ng kidnapping. Jocelyn Tabangcura-Domenden