MANILA, Philippines – KUMPIYANSA ang administrasyong Marcos na hindi lamang ang vulnerable sectors kundi ang lahat ng mga filipino ay magagawang bumili ng P20 kada kilo ng bigas sa taong 2026.
Umaasa si Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang plano ay makakamit upang maging available sa lahat ang abot kayang bigas.
“Sa ngayon po sa Kadiwa centers, vulnerable sectors po ang makikinabang pansamantala hanggang December 2025,” ang sinabi ni Castro.
“Pero ang plano po, sa susunod na taon po ay magkaroon po ng budget para maibigay po ang PHP20 na bigas kada kilo sa lahat. Iyan po ang plano. Depende pa po sa budget,” aniya pa rin.
Ani Castro, mas maraming Kadiwa centers ang nag-aalok ngayon ng mas mura subalit de- kalidad na bigas, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang “food security, affordability, at accessibility.”
Ang P20-per-kilo rice program, tinawag bilang “Benteng Bigas Meron (BBM) Na,” ay available sa 32 Kadiwa ng Pangulo (KNP) sites sa Metro Manila at kalapit-lalawigan.
Samantala, inilahad ng Department of Agriculture (DA) ang plano nito na gawing available ang P20 kada kilo ng bigas sa 55 KNP Centers at stalls sa buwan ng Hunyo.
Target ng departamento na isama ang lugar sa Mindanao upang maging available ang mas murang bigas sa mahihirap na pamilya.
“Besides the provincial government of Cebu, other local government units have also ordered NFA rice stocks, including Siquijor, Southern Leyte, and Bohol, with a total of 673,000 50-kg. bags,” ayon sa Food and Terminal Inc. Kris Jose