KUNG hindi maayos ang pagpapairal ng gobyerno sa No Contact Apprehension Policy na nagsimula na kamakalawa, baka mawalan ng silbi ang P20 kada kilong bigas na ipinagmamalaki mismo ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na pampagaan sa buhay ng mga mamamayan.
Higit pa, lalamunin ng mga multa at parusa hindi lang ang pambili ng bigas, ulam, ibang batayang pangangailangan, baon ng mga bata, pambayad sa upa, ilaw, tubig, gamot sa maysakit at iba pa.
Tingnan natin ang ulat ng Metro Manila Development Authority mismo.
Sa unang araw lang ng implementasyon ng NCAP, sinasabi mismo ng MMDA na may mga paglabag na 1,112 na maaaring katumbas ito ng 1,112 ding tsuper.
Pangunahin sa mga paglabag ang “disregard of traffic signs, illegal use ng EDSA busway at motorcycle lane at disregard loading at unloading areas.”
Sa traffic signs, lalo na ang traffic lights, gaano kasigurado na gumagana nang matino ang mga ilaw sa harap ng napakaraming depektibo rito gaya ng napakabilis na pagpapalit ng red at green?
Nasaan din ang sapat na mga sign para pakanan o pakaliwa sa mga kalsada sakop ng MMDA?
Itong loading ang unloading areas, problema ito hindi lang ng mga pampasahero kundi ng mga pribadong sasakyan na may ibinababa.
Nasaan ang mga ito?
At ano ang pagkakaiba ng mga bike lane at motorcycle lanes, lalo na sa parteng gilid sa kanan ng mga kalsada at sa masisikip na kalsada gaya ng E. Rodriguez Avenue, Quezon City?
Heto naman ang mga multa at parusa ng MMDA, pinakamababa ang P100 na pambili ng limang kilong bigas pero bihira ito at karamihan ang nasa P200, P500, P1,000 at may mga P2,000, P5,000, P10,000 hanggang P30,000 na maliwanag na hindi lang pambili ng bigas ang tatangayin kundi ang maraming iba pa.
Paano ibabalik ng gobyerno sa tao ang mga pagpapamulta at pagpaparusa na nag-uugat mismo sa mga sariling depekto nito?






