DALAWANG taon na muling aayusin o i-rebuild ang Epifanio Delos Santos Avenue o EDSA na matatagpuan mula sa Monumento, Caloocan hanggang sa Pasay Rotonda o EDSA-Taft.
Dahil sa proyektong ito, kung hindi aayusin ang daloy ng trapiko, carmageddon o impiyernong trapik ang ating daranasin sa loob ng 2 taon.
ODD-EVEN SCHEME AT SKYWAY
Dalawang malalaking hakbang ang paiiralin ng Metro Manila Development Authority at Department of Transportation.
Isa ang ODD-EVEN scheme ngunit sa EDSA lamang.
‘Yun bang === hindi papayagang bumiyahe sa Lunes, Miyerkules at Biyernes ang may huling numero sa plana na 1, 3, 5, 7 at 9, habang bawal ding bumiyahe sa Martes, Huwebes at Sabado ang mga huling numero na 0, 2, 4 at 6.
Sa iskema o sistemang ito, tatlong araw lang pupwedeng bumiyahe ang anomang sasakyan sa EDSA.
Sa Hunyo 13, 2025 magsisimula ang rebuilding ng EDSA habang magsisimula ang ODD-EVEN scheme sa Hunyo 16 ngunit magtatagal ito ng isang buwan.
Sa Hunyo 16, magsimulang mag-isyu ng ticket ang MMDA sa lalabag sa iskema ngunit hindi muna maniningil ng multa para mamulat at masanay ang mga tao rito.
Kakambal ng ODD-EVEN scheme ang hindi paniningil ng toll sa Skyway Stage 3 na magmula sa NLEX-Balintawak hanggang sa Buendia-Makati exit.
Paiiralin ang iskema ng 24 oras at tanging sa araw ng Linggo libreng makabiyahe ang mga sasakyan, anoman ang mga huling numero ng plaka ng mga ito.
Tantiya ng MMDA at DOTR, mababawasan ng 25 porsyento ang bigat ng trapik sa EDSA sa dalawang paraang ito.
Upang mabawasan pa ang trapik, ipagbabawal ang mga provincial bus, truck at iba pang malalaking sasakyan mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi.
Hindi pagsasabayin sa EDSA ang ODD-EVEN scheme at ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP), na may “window hours”.
Gayunman, hindi sakop ng iskema ang mga sasakyang tatawid lamang sa EDSA.
DELIKADONG NCAP
Nagsimulang mag-ulat sa atin ang mga depektibong traffic light ng MMDA.
Isa ang nakapuwesto sa pagitan ng Roxas Boulevard at Cavite Expressway.
‘Yun bang === kanto rin na papasok sa NAIA Road na malapit sa Baclaran, Pasay City.
Kahapon lang, muntik na araruhin ng isang sasakyan galing Cavite ang nasa unahan niya papuntang norte o Manila dahil sa biglang paghinto ng nasa unahan..
Naging red agad umano traffic light at walang warning na yellow bago mag-red mula sa green na senyales ng tuloy-tuloy na pagtakbo ng sasakyan.
MMDA Chairman Romando Artes, sir, hindi lang ang traffic light na ito ang depektibo kundi marami pa sa buong Metro Manila.
Paano ang mga hinuhuli at pinagmumulta ng MMDA sa bisa ng No Contact Apprehension Policy na pinaiiral ng inyong opisina sa ganitong sitwasyon?
Sa mga biglaang pagpreno upang hindi masakop ng NCAP ang mga motorista, banta rin ito sa buhay at ari-arian ng mga motorista.
Dapat ninyong ayusin ito at obligasyon ninyong iayos ang mga sistemang traffic control para maligtas ang mga motorista sa lupit ng NCAP at posibleng mga disgrasya.






