MANILA, Philippines – Nakumpiska ng mga awtoridad ang nasa P25 milyong halaga ng hinihinalang ismagel na footwear sa warehouse sa Apalit, Pampanga nitong Miyerkules, Marso 4.
Pinaniniwalaang inismagel ang mga Crocs brand ng footwear at nadiskubre matapos buksan ng pulisya at mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) ang warehouse sa Barangay Calantipe bandang alas-4 ng hapon.
Taglay ang letter of authority na pinirmahan ng BoC commissioner, pwersahang binuksan ng mga miyembro ng Customs Intelligence and Investigation Service- Enforcement and Security Service, PRO3, at Pampanga police operatives ang warehouse.
Sinabi ng PRO3 na ginawa ang koordinasyon sa pagitan ng mga opisyal ng barangay Calantipe bago ang inspeksyon.
“When repeated call-outs and knocks yielded no response, the team, in the presence of barangay officials, forcibly opened the warehouse to implement the authority.”
Sa loob ng warehouse ay natagpuan ang assorted footwear taglay ang marka ng Crocs.
Sinabi ni PRO3 regional director Brigadier General Jess Mendez na ang pagkakadiskubre at pagkumpiska sa mga footwear ay bahagi ng hakbang ng pamahalaan laban sa smuggling at protektahan ang economic security ng bansa. RNT/JGC