Home METRO P28.4M shabu nasamsam, 961 suspek nadakip sa Calabarzon

P28.4M shabu nasamsam, 961 suspek nadakip sa Calabarzon

LUCENA CITY- Umabot sa P28.4 milyong shabu ang nasamsam habang may kabuuang 961 drug dealer ang nadakip ng mga tauhan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon- Philippine National Police (Calabarzon-PNP) sa nakalipas na buwan.

Ayon kay Region 4A director Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas, sa ipinalabas na report noong Hunyo 1, mayroong 749 operasyon ang mga operatiba ng anti-illegal drug at nakumpiska ang kabuuang 4,054 gramo ng shabu at 7,737 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana mula Mayo 1 hanggang 31 na umabot sa halagang P28,495,822.

Kasama sa mga nadakip ng operatiba ang dalawang malaking sindikato ng ilegal na droga sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Dasmariñas City, Cavite noong Mayo 16 at nakuha sa mga ito ang higit sa P12.9 milyon halaga ng shabu.

Nahuli rin ang 1,096 na wanted felons, kabilang sa mga ito ang nasa most wanted list sa bansa, 92 na nasa wanted list sa rehiyon.

Noong nakaraang buwan, nahuli ng mga pulis sa limang probinsya ang 1,176 na ilegal na nagsusugal, karamihan sa kanila ay “bookies” o mga sangkot sa ilegal na operasyon ng Small Town Lottery. Hindi bababa sa 421 kaso ang naisampa sa korte laban sa mga suspek.

Inaresto rin ng mga awtoridad ang hindi bababa sa 82 katao dahil sa pagdadala ng mga ilegal na baril at nakumpiska ang humigit-kumulang 107 na iba’t ibang uri ng baril.

May kabuuagn 61 suspek naman ang nakasuhan ng pulisya. Mary Anne Sapico