Home NATIONWIDE P29M ‘damo’ nabuking sa balikbayan box mula Canada

P29M ‘damo’ nabuking sa balikbayan box mula Canada

MANILA, Philippines – NASAMSAM ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa P29 milyon halaga ng hinihinalang high-grade marijuana o kush sa mga balikbayan boxes mula Canada sa isinagawang operasyon sa Manila International Container Port nitong Biyernes.

Nabatid sa mga awtoridad na nasabat ang nasa higit 20 kilo ng hinihinalang marijuana na nakalagay sa mga vacuum-sealed transparent plastic at nakasilid sa dalawang balikbayan boxes na mula pa umano sa Ontario, Canada.

Nauna dito, isinailalim sa x-ray inspection at K-9 sniffing ang nasabing kargamento kung saan nagpositibo ito kaya’t isinagawa ang pisikal na inspeksyon kung saan tumambad ang mga nasabing umano’y high grade marijuana.

Nabati pa sa mga awtoridad na maliban sa umano’y kush, may nakuha ring mahigit 600 gramo ng hinihinalang marijuana oil sa naturang balikbayan boxes.

Inaalam pa ng PDEA kung may koneksyon ang mga nakumpiskang droga sa higit P39 milyon na kush na nasabat rin sa MICP noong buwan ng Pebrero.

Nasa laboratoryo na ng PDEA ang mga nakumpiskang droga para isailalim sa eksaminasyon. JR Reyes