CAVITE, Philippines – Arestado ang isang armadong umano’y high-value drug trafficker sa buy-bust operation nitong Martes ng umaga sa Barangay Sambong.
Ayon sa Cavite Police Provincial Office, nahuli ang suspek bandang alas-7 ng umaga matapos umanong magbenta ng P500 halaga ng shabu sa isang undercover police operative.
Nakuha sa kanya ang dalawang heat-sealed sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 55.9 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P380,120, batay sa P6,800 kada gramo na standard valuation ng Dangerous Drugs Board.
Nasamsam din ang isang cellphone na susuriin upang matukoy ang posibleng mga transaksiyong may kaugnayan sa droga.
Sa body search, nakuha rin sa suspek ang isang undocumented caliber .45 pistol na may limang bala.
Ang suspek, residente ng Laurel, Batangas, ay itinuring na high-value individual o HVI, isang tawag ng mga awtoridad sa mga drug trafficker, financier o miyembro ng drug syndicate.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang pinagmulan ng hinihinalang ilegal na droga. Mananatili sa kustodiya ang suspek at haharap sa mga kaso sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at sa batas hinggil sa firearms. RNT/MDS