Home NATIONWIDE P465K iligal na sigarilyo, nasabat sa Isabela

P465K iligal na sigarilyo, nasabat sa Isabela

147
0

CAUAYAN CITY, Isabela — Nasabat ng pinagsanib na pwersa ng mga otoridad ang halos mahigit P465K halaga ng iligal na sigarilyo sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Sa direktiba ni PCol. Manuel Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), sa pinaigting na kampanya laban sa smuggling at pagbabantay sa buwis, at bilang pagtalima ni PLtCol. Avelino Canceran Jr., hepe ng Cauayan City Police Station, dakong alas-3:00 ng hapon nang makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y shipment ng smuggled cigarettes na isinasakay sa isang cargo bus.

Agad itong ikinasa ng mga operatiba sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) – Revenue District Office No. 15, Isabela.

Nasabat ng mga miyembro ng Cauayan City Police Station, Police Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office (PIU-IPPO), BIR-Revenue District Office 15 (lead unit), at Regional Maritime Unit 2 (RMU2), na nagresulta sa pagkakasabat ng pitong (7) kahon na naglalaman ng 350 reams (3,500 packs) ng MD Chairman Light cigarettes; walong (8) kahon na naglalaman ng 400 reams (4,000 packs) ng Modern cigarettes; at isang (1) kahon na naglalaman ng 25 reams (250 packs) ng Cannon Menthol cigarettes. Tinatayang umaabot sa ₱465,000.00 ang kabuuang halaga ng mga nasabat na sigarilyo.

Wala namang naarestong personalidad kaya’t inaalam ng mga otoridad ang nasa likod ng pagpapadala ng smuggled na sigarilyo mula Kalakhang Maynila sa isang cargo bus.

Ang mga nakumpiskang iligal na sigarilyo ay nakatakdang ipasakamay sa BIR para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon kaugnay ng paglabag sa National Internal Revenue Code of 1998. Rey Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here