MANILA, Philippines – Target ng Department of Agriculture (DA) na ibaba ang suggested retail price (MSRP) ng imported na bigas sa ₱49 kada kilo pagsapit ng Marso, kung mananatili ang mababang presyo sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang presyo ay unti-unting bababaan simula sa ₱55 kada kilo sa Pebrero 1, ₱52 sa Pebrero 15, at ₱49 pagsapit ng Marso 1, kung magpapatuloy ang kasalukuyang presyo sa pagitan ng $530 at $550 kada metriko tonelada para sa 5% broken rice.
Layunin ng unti-unting pagbaba ng presyo na maiwasan ang gulo sa merkado at bigyan ng sapat na panahon ang mga trader at importer upang mag-adjust.
Nauna nang nagpatupad ng ₱58 MSRP ang DA noong Enero 20 upang tugunan ang mataas na presyo ng bigas kahit na binawasan ang import tariffs at bumaba ang presyo sa pandaigdigang merkado.
Bukod dito, plano rin ng DA na magdeklara ng food security emergency sa bigas upang masigurong matugunan ang kakulangan ng suplay.
Naghihintay pa ang DA ng pinal na resolusyon mula sa National Price Coordinating Council (NPCC). Kasabay nito, nakikipag-usap na ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan at mga retail chain upang ipamahagi ang halos 300,000 metriko toneladang bigas mula sa National Food Authority (NFA).
Target din ng DA na ilunsad ang Kadiwa rice program sa mga supermarket at convenience store pagsapit ng Pebrero 15 o Marso 1.
Sa ilalim ng programang ito, ibebenta ang dekalidad na bigas sa ₱29 kada kilo para sa mga senior citizen, mahihirap, at iba pang nangangailangan. Kasama rin sa programa ang discounted prices para sa iba’t ibang klase ng bigas. Kabilang sa mga retail partner ng programa ang SM, Robinsons, at Puregold. (Santi Celario)