Home OPINION P5.768 TRILLION NATIONAL BUDGET 2024, ISINUMITE NA SA KONGRESO

P5.768 TRILLION NATIONAL BUDGET 2024, ISINUMITE NA SA KONGRESO

NASA House of Representatives na ang 2024 NEP o National Expenditure Program na may panukalang P5.768 trillion, siyam na araw lamang matapos ang paglalahad ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ng kanyang ikalawang State of the Nation Address.
Ayon kay Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman, ang 2024 NEP ay katumbas ng 21.7% ng ating GDP o gross domestic product. Mas mataas ito ng 9.5% kumpara sa 5.268 trillion budgets ngayon taon.
Sa temang “Agenda for Prosperity: Securing a Future-proof and Sustainable Economy”, nakalatag sa badget ang eight socio-economic agenda ni Pangulong BBM at ang mga bisyon ng Philippine Development Plan 2023 hanggang 2028.
Pangunahing hangarin pa rin ng mga programa at proyektong pinondohan para sa taong 2024 ang pagharap ng bansa sa post-pandemic era at paghahangad na maging isang upper-middle income economy na mayroong inklusibong ekonomiya at walang Pilipinong mapag-iiwanan.
Nakalaan sa social services sector ang pinakamalaking bahagi ng pondo, nasa P2.183 trillion pesos para sa kalusugan, edukasyon, kultura at manpower development.
Sumunod ang economic services sector, may P1.709 trillion na laan para sa komunikasyon, mga daan, agrikutura at repormang agraryo.
Nasa P893.3 billion pesos ang matatanggap ng general public services, P699.2 billion pesos sa pagbabayad ng utang panlabas, at P282.7 billion pesos sa national defense.
May pondong P1.42 trillion pesos ang “Build, Better, More” infrastructure program ng Marcos administration para sa North-South Commuter Railway System at Metro Manila Subway Project Phase 1. Kabilang din ang bagong school buildings, ospital, health centers, at water and power supply systems.
Sa simula ng pagtupad ng pangakong 100% electrification sa buong bansa ni Pangulong BBM, naglaan ng P2.3 billion pesos para sa National Rural Electrification Program.
Prioridad ng Marcos administration ang pagharap at paghahanda sa epekto ng climate change kaya naglaan ito ng P543.45 billion pesos kung saan P294.46 billion ay para sa water sufficiency projects na ipatutupad ng National Water Resources Board at Water Resources and Management Office.
Naglaan din ng halagang P80.6 billion para sa mga programang ipatutupad ng Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Minda­nao, at isang bilyong piso para sa Marawi siege compensation.
Tumaas din ang pondo para sa food security, premium health subsidy, sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program, food stamp, social pension para sa indigent seniors, at sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program.
Pangako naman ng House of Representatives sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez na ipapasa nila ang panukalang badget bago ang congressional break sa darating na October 2023.