Home HOME BANNER STORY P6.3-T national budget sa 2025, aprubado sa Senado

P6.3-T national budget sa 2025, aprubado sa Senado

MANILA, Philippines –  Umabot sa 18 boto ang pumabor, walang tumutol at isa ang abstention sa katauhan ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa pagsasabatas ng House Bill No. 10800 o ang 2025 General Appropriations Bill (GAB) na naglalaan ng PHP6.352-trillion national budget sa susunod na taon.

Nakatakdang nang pag-usapan ang naturang badyet sa gaganaping bicameral conference committee ng Senado at Mababang Kapulungan.

“Ngayon, habang tinatapos na natin ang prosesong ito, buong kumpiyansa kong masasabi na tinupad natin ang ating pangako. Bawat desisyon ay binusisi. Bawat pondo ay siniguradong may tamang, ayon kay Senador Grace Poe, chairman ng Senate committee on finance at principal author at sponsor ng panukala.

“Ang bawat pisong iniukol natin sa budget na ito ay hindi lamang numero sa papel. Ito ay buhay, pangarap, kinabukasan ng bawat Pilipino. Sa bawat sektor na ating sinuportahan, mula agrikultura hanggang edukasyon, mula kalusugan hanggang seguridad, ay kalakip ang ating pangako sa taumbayan na walang maiiwan at walang mapapabayaan sa abot ng ating makakaya,” giit pa ng senadora.

Naunang inihayag ni Senate President Francis “Chiz”Escudero na maipapasa ng Kongreso ang 2025 GAB bago mag-adjourn sa December 20.

Aniya, sakaloing maaprubahan sa bicameral conference committee at mapagtibay ng Senado at Mababang Kapulungan, ipadadala ito sa Palasyo upang lagdaan ng Pangulo alinsunod sa itinakda ng 1987 Constitution sa ikalawang linggo o unang linggo ng Disyembre.

Inaasahan na tatagal sa dalawang linggo ang bicameral conference committee. Ernie Reyes