Home NATIONWIDE P66M ‘gang P98M naideklarang ari-arian ni VP Sara, asawa kada taon mula...

P66M ‘gang P98M naideklarang ari-arian ni VP Sara, asawa kada taon mula 2022 hanggang 2025 – solon

1
0

MANILA, Philippines – Umaabot sa P66 milyon hanggang P98 milyon kada taon anghindi naideklarang ari-arian nina Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, ayon sa kuwenta ng House prosecution matapos ikumpara ang kanilang mga financial record sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na isinumite ni Duterte mula 2022 hanggang 2025.

“Bank records and testimony show that the SALN declarations are all false. Bakit false, because hindi fully and truthfully declared ang mga material information doon sa SALN,” paliwanag ni impeachment adviser at spokesperson Ace Barbers.

Inihambing ng prosekusyon ang year-end bank balance, bayad sa insurance at investment, at mga baril na iniuugnay sa mag-asawa sa pinagsamang deklarasyon nila sa ilalim ng “Others” o “Various” sa kanilang SALN.

Ang agwat na natukoy ng prosekusyon ay mahigit P80 milyon noong 2022; mahigit P98 milyon noong 2023; mahigit P66 milyon noong 2024 at mahigit P70 milyon noong 2025

Pinakamalaki ang agwat noong 2023. Nakita ng prosekusyon ang mahigit P71 milyon sa bank balance, P35.9 milyon sa insurance at investment, at mahigit P7 milyon sa mga baril. Wala pang P15 milyon ang iniulat nina Duterte at Carpio sa ilalim ng “Others” para sa taong iyon.

Naglista ang prosekusyon ng 29 na account sa walong bangko kabilang ang Land Bank of the Philippines, Asia United Bank (AUB), Philippine Savings Bank (PSBank), Metropolitan Bank and Trust Company (Metrobank), Security Bank, Bank of the Philippine Islands (BPI), Philippine National Bank (PNB) at BDO. Hindi kasama dito ang mga account na sarado na.

Ayon kay Barbers, walang idineklarang hiwalay na cash on hand o cash in bank si Duterte sa alinman sa apat na SALN na sinuri.

“Sa lahat ng SALN ni VP Sara, wala siyang idineklarang cash on hand o cash in bank,” ani Barbers.

Ayon sa mga bank record, umabot sa P59 milyon ang pinagsamang year-end balance noong 2022, P71 milyon noong 2023, P22 milyon noong 2024 at P39 milyon noong 2025. Noong 2023, kabilang sa pinakamalalaking balanse ang P32.1 milyon sa BDO at P21.5 milyon sa PNB.

“Now, even if we assume all of VP Sara’s other personal properties sa kanyang SALN were cash, kulang pa rin at malaki pa rin ang undeclared,” sabi ni Barbers.

Mas mababa sa P14 milyon ang pinagsamang “Others” o “Various” nina Duterte at Carpio noong 2022, P15 milyon noong 2023, P22 milyon noong 2024 at P30 milyon noong 2025.

Kung bank balance lamang ang ikukumpara, lumabas na may agwat na mahigit P45 milyon noong 2022, P56 milyon noong 2023, P1 milyon noong 2024 at P9 milyon noong 2025.

Iprinisinta naman ni House prosecution spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong ang pitong kompanya ng insurance at investment ng mag asawa kabilang ang FWD Life Insurance, Manulife, Pru Life UK, BPI AIA, Allianz PNB Life, BDO Life at BDO Securities, nagkakahalaga ito ng P35.2 milyon noong 2022;P35.9 milyon noong 2023;P59.6 milyon noong 2024 at P54.4 milyon noong 2025.

“ang investment plans ay considered to be an asset. Kung natatandaan natin, hindi po ito naideklara sa kanilang SALN,” ani Alonto Adiong.

Ang BDO Securities ang pinakamalaking bahagi ng investment kada taon, na P16.9 milyon noong 2022, P17 milyon noong 2023, P29.6 milyon noong 2024 at P29.7 milyon noong 2025. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here