MANILA, Philippines – NAGBIGAY ng huling respeto si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa yumaong dating Prime Minister Cesar Virata na ginunita ang kanyang mahabang paglilingkod sa bayan at pakikipagtulungan sa kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
Bumisita ang Pangulo sa burol ni Virata sa Heritage Memorial Park sa Taguig City noong Oktubre 7. Pumanaw si Virata noong October 2 sa edad ba 95.
Inaalala rin ng Pangulo ang pagiging tahimik, disiplinado at tapat ni Virata sa kanyang tungkulin sa bayan.
“Nagbigay ako ng aking huling paggalang kay dating Prime Minister Cesar Virata, isang taong naglaan ng maraming taon ng kanyang buhay sa paglilingkod sa ating bansa at nakasama ng aking ama sa paglilingkod-bayan,” ang winika ni Pangulong Marcos.
Dagdag pa ng Pangulo, “I will remember him not only for the many years he gave to the nation, but for the quiet dignity, discipline and sense of duty with which he lived his life.”
Nagsilbi si Virata bilang Finance Minister mula 1970 hanggang 1986 at Prime Minister mula 1981 hanggang 1986.
Kilala si Virata sa kanyang ambag sa pamamahala ng ekonomiya, pananalapi ng bansa, pagpaplano ng ekonomiya at iba pang programang pangkaunlaran.
Nagpaabot naman ng pakikiramay sina Pangulong Marcos at First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos sa pamilya Virata.
“Sa buong pamilya Virata, taos-puso kaming nakikiramay ng First Lady. Maraming salamat sa buong buhay na inilaan ninyo sa paglilingkod, Prime Minister. Rest in peace,” ani Pangulong Marcos. KRIS JOSE