BOHOL- HIGIT sa isang libong gramo ng shabu o nasa P6.9 milyong halaga ng droga, at armas ang nasamsam ng mga awtoridad sa nadakip sa isang ex-convict matapos inguso ng parokyano nito sa isinagawang drug operation, nitong Lunes ng gabi sa Tagbilaran City.
Kinilala ang nadakip na suspek na si Mario Aranzado, 44, ng Purok 2, Barangay Bayacabac, Maribojoc, Bohol.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Joemar Pomarejos, hepe ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Bohol Police Provincial Office (BPPO), bandang 10:30 PM Linggo Oktubre 28, 2024 nang madakip ang suspek sa Purok 6, Barangay Manga, Tagbilaran City.
Nakuha sa suspek ang 1,020 gramo ng hinihinalang shabu na may market value na P6,936,000 at isang .38 caliber pistol.
Sinabi ng pulisya, unang nahuli ang isang Ibrahim Ilano, 42, ng Barangay Poblacion, Tagbilaran City, bandang 4:25 PM ng Sabado Oktubre 27, 2024.
Dahil dito, inginuso ni Ibrahim si Aranzado na siyang pinagkukunan nila ng suplay ng shabu na nagresulta sa pagkakadakip nito.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, na dati na rin nakulong ang suspek sa kaparehong kaso noong 2015 at muling bumalik ito sa dating iligal na aktibidades matapos maabswelto.
Dagdag pa ng pulisya, na nakakapagbenta si Aranzado ng 1 hanggang 2 kilo ng shabu kada linggo sa iba’t ibang lugar sa nasabing lungsod.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa illegal drugs ang suspek./Mary Anne Sapico