MANILA, Philippines – Inilahad ni financial forensic analyst Atty. Alexander Cabrera sa impeachment trial nitong Biyernes na umano’y hindi idineklara ni Vice President Sara Duterte sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ang mahigit P817.8 milyong halaga ng mga ari-arian at iba pang yaman mula 2022 hanggang 2025.
Ayon sa ulat ni Cabrera, kabilang dito ang mahigit P207.6 milyong cash na nasa iba’t ibang bank account ni Duterte, ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, at ng kanilang joint accounts. Ang mga natuklasan ay bahagi ng mga alegasyon ng unexplained wealth na tinatalakay sa Article II ng Articles of Impeachment laban sa bise presidente.
Sa ika-37 araw ng paglilitis, tinanong ni public prosecutor at Akbayan party-list Rep. Chel Diokno si Cabrera tungkol sa hindi idineklarang cash assets ni Duterte mula 2022 hanggang 2025. Ayon sa ipinakitang ulat, ito ang mga halaga:
–2022: P60,214,776
–2023: P80,701,151
–2024: P23,169,077
–2025: P43,611,929
Sa kabuuan, umabot ito sa P207,696,933.
“Meron pong nakalagay sa left side, first column na year, tapos meron pong nakalagay d’yan na 2022, 2023, 2024, and 2025. Ano pong ibig sabihin ng column na ‘yan?” tanong ni Diokno.
“Ito po ‘yong column na effectively nagsasabi po no’ng tinignan naming taon or taon po na nag-focus po kami, ito po ay ‘yong mga taon na si VP Sara po ay nanunungkulan bilang vice president,” sagot ni Cabrera.
Ipinaliwanag ni Cabrera na kinumpara nila ang cash na idineklara sa SALN ni Duterte sa year-end balances ng mga bank account nito, ni Carpio, at ng kanilang pinagsamang account.
“Ang kwento po dito ay ito po ay summation po ng ending balances po sa iba’t ibang bangko na pag-aari po ni VP Sara at ng kanyang asawa, at kinompara lamang po namin ‘yong ending balances po ng bangko, galing po sa bank account sa kanila pong naka-declare na cash sa SALN kung meron man po,” paliwanag ni Cabrera.
“Ibig sabihin, binangga niyo ‘yong balances ng SALN doon sa ending balance ng mga bank accounts na nakita po ninyo,” dagdag ni Diokno.
Bukod sa cash, iniulat din ni Cabrera ang P817,874,867 na kabuuang halaga ng mga hindi umano idineklarang ari-arian. Sa hiwalay na pagkakalahad ng kanyang pagsusuri, ang mga halagang hindi idineklara kada taon ay P190.6 milyon noong 2022, P167.3 milyon noong 2023, P264.2 milyon noong 2024, at P195.6 milyon noong 2025.
Ayon kay Cabrera, pinag-aralan niya ang mga rekord mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), mga bank record, dokumento sa buwis at mga negosyong nakapangalan kina Duterte at Carpio. Kabilang din sa mga kumpanyang binanggit sa ulat ang Cale888, GenCorpo at Metro City, na umano’y may kaugnayan sa mga pondong mula sa China.
Sinabi ng eksperto na konserbatibo ang kanyang kalkulasyon at walang dobleng bilang ng mga tala. Kung idaragdag umano ang P817.8 milyon sa iniulat na P98.6 milyong net worth ni Duterte noong 2025, aabot sa humigit-kumulang P916.5 milyon ang kabuuang yaman nito.
Tumutol ang defense counsel na si Kristine Ferrer sa paulit-ulit na paggamit ng terminong “undeclared assets,” dahil hindi pa umano napapatunayan ang mga alegasyon at sasailalim pa sa cross-examination at pagsusumite ng ebidensiya.
“Your Honor, before the witness answers, we would rather have this undeclared cash as ‘alleged’ because this is subject to cross-examination and offer of evidence and has not been proven as a fact yet, so may we ask the counsel if that can be used, the term alleged can be used,” aniya.
Gayunman, ibinasura ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis Escudero ang pagtutol dahil binabasa lamang umano ni Diokno ang nakasaad sa talahanayang inihanda ng testigo.
“The chair will overrule the objection but on a different ground. The counsel is merely reading what is contained in the table or summary of the witness; he described it as undeclared, so the counsel is merely referring to the table prepared by the witness in relation to the question. I’m sorry Atty. Kristine, objection is overruled,” sabi ni Escudero.
Sa iba pang bahagi ng testimonya, sinabi ni Cabrera na gumamit umano sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at VP Sara Duterte ng pamamaraang tinawag na “kiting” o “tinikling” sa paglilipat-lipat ng P96 milyon upang hindi ito lumitaw sa kanilang SALN.
Ayon sa kanya, paulit-ulit na inilalabas at ibinabalik ang pera sa mga bank account upang hindi ito manatili roon sa pagtatapos ng taon. Nagmula umano ang pondo sa dalawang time deposit noong 2010, na ginawang manager’s checks upang mabawasan ang balanse sa mga account.
Sa loob ng tatlong taon, mula 2011 hanggang 2014, sampung beses umanong inulit ang pagbili at pagpapalit ng mga tseke. Dahil dito, ayon sa ulat, hindi naisama ang P96.8 milyon sa SALN ni VP Sara noong 2011 at 2022, kung saan P3.9 milyon at P4.3 milyon lamang ang idineklara niya.
Sinabi ni Cabrera na hindi pangkaraniwan ang ganitong galaw ng pera dahil nawalan din umano ng malaking interes ang mga may-ari kung nanatili na lamang ito sa time deposit.
Sa huli, P80 milyon mula sa nasabing halaga ang ginamit umano sa pagbili ng apat na insurance plan para kay VP Sara at sa kanyang mga anak. Ang natitirang P16 milyon ay patuloy umanong inilabas at ibinalik sa account sa loob ng humigit-kumulang isa’t kalahating taon bago inilipat sa isang indibidwal na pinangalanang Samuel Cang Uy, na tinukoy sa ulat bilang drug lord, at isinara ang account.
Ang mga pahayag na ito ay bahagi ng testimonya ng prosecution sa impeachment trial at mga alegasyong kailangan pang suriin sa proseso ng paglilitis. Ernie Reyes/Gail Mendoza







