MANILA, Philippines – Sinabi ni Akbayan Representative Chel Diokno na hindi maaaring pigilan ng anumang court injunction ang pagpapatupad ng wage order sa Metro Manila, kahit may inilabas na temporary restraining order (TRO) ang Pasig Regional Trial Court laban sa P85 minimum wage increase sa NCR.
“Paalala: Sa Article 126 ng Labor Code, hindi maaaring pigilan ng korte ang pagpapatupad ng wage order. Dapat manaig ang batas at ang karapatan ng mga manggagawa,” ayon kay Diokno.
Noong Hunyo, inaprubahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang P85 arawang dagdag-sahod para sa humigit-kumulang 1.1 milyong minimum wage earners sa Metro Manila.
Sa ilalim ng wage order, tataas ang sahod ng non-agricultural workers mula P695 hanggang P780, habang ang agricultural workers ay mula P685 hanggang P743.
Muli ring isinulong ni Diokno ang P200 Daily Minimum Wage Increase Bill (HB 766).
“Sa gitna ng mainit na usapin tungkol sa sahod, patuloy din nating isinusulong ang P200 Daily Minimum Wage Increase Bill (HB 766) upang matiyak na ang bawat manggagawang Pilipino ay may sapat para sa disenteng pamumuhay,” aniya. RNT/MDS