MANILA, Philippines – Mahigpit na itinangi ni Senador Loren Legarda ang paratang ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na sangkot ito sa multi-bilyong anomalya sa solar franchise na nakuha ni Batangas Rep. Leandro Leviste sa Kongreso.
Sa kanyang maikling pahayag, sinabi ni Legarda na hindi nito inilihis sa landas ng integridad ang kanyang paglilingkod sa bayan simula noong 1998 kaya’t pinanghihinalaan nito ang timing ng paglabas ng akusasyon.
“Mula nang magsimula akong maglingkod sa bayan noong 1998, hindi ako kailanman lumihis sa landas ng integridad, isang katangiang lubos kong pinanghahawakan. Ang alegasyong ito ay isang hindi makatarungang pagdungis sa aking pangalan at dangal,” ayon kay Legarda.
Aniya, “wala pa kaming natatanggap na anumang komunikasyon mula sa Office of the Ombudsman kaugnay ng mga alegasyong ito, ngunit buong katiyakan kong sinasabi na ang mga ibinabalitang paratang ay lubos na hindi totoo at walang anumang batayan. Walang pondo ng bayan na sangkot.”
“Handa kaming ilahad ang katotohanan,” ani Legarda.
Kasabay nito, nanawagan din si Legarda sa publiko na maging mapanuri hinggil sa mga ipnalulutang na akusasyon na kumita silang mag-ina ng multi-bilyon sa solar franchise na hindi natupad alinsunod sa itinakda ng batas.
“Nananawagan kami sa publiko na maging mapanuri, lalo na kung isasaalang-alang ang panahon at konteksto ng paglabas ng mga alegasyong ito.,” giit ni Legarda.
Kasama si Legarda sa minorya ng Senado kabilang ang mga nakakulong na mambabatas na sina Senador Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta at nagtatagong si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
“Buo ang aming paniniwala na kapag nailahad na ang buong katotohanan, mapapawalang-sala kami at malilinis ang aming mga pangalan,” giit ni Legarda. Ernie Reyes