IBINIDA ng Bureau of Customs (BOC) na nalampasan nila ang target nitong koleksyon na P901 bilyon para sa taon 2023.
Nabatid kay BOC spokesperson Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla sa isang briefing, bukod sa nalagpasan nila ang nasabing target collection ay nakapagtala rin sila ng collection surplus na mahigit P10 bilyon.
Aniya, kabilang sa 50% ng kabuuang koleksyon ng BOC ay nagmula sa Manila International Container Port na nasa 30% habang ang nasa Batangas Port ay tinatayang nasa 25% gayundin sa Port of Manila na nasa 18% hanggang 20%.
Ang iba pa umanong malalaking daungan na nag-ambag sa mataas na koleksyon ng BOC ay ang mga Ports of Cebu, Davao at Cagayan de Oro, Subic, Clark, Ninoy Aquino International Aiport, Legazpi, Tacloban, Iloilo at San Fernando.
Samantala, tiwala aniya ang BOC na maabot nito ang PHP1 trilyong target na koleksyon para sa 2024.
“If we continue on our track to improve further ‘yung revenue efficency namin at pag-improve ng aming processes, mas maeenganyo na mag-negosyo ung mga negosyante at dumadagdag din ang mga investors natin na who are contributing dun sa rating imports and duties, by that, we are projecting to collect PHP1 trillion and I think, we can even surpass it,” ani Maronilla.
Samantala, sinabi ni Maronilla na nasa 99 percent na ang digitalization ng mga proseso ng bureau.
“May entities na di pa nila kayang mag-interlink sa system ng BOC. Tinutugunan po namin ‘yan para makumpleto ‘yung inter-linkage natin dyan. Ang goal po natin sa 2024, ngayong na-digitize na ‘yung processes, is to integrate these processes para po isang cohesive na proseso ang gagawin nitong mga improvements na ito,” ayon pa kay Maronilla. Jay Reyes