NAGPAALALA ang Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) na sakop ng kanilang mga umiiral na benepisyo ang pagpapagamot sa trangkaso at mga sakit na may sintomas na katulad nito o ang influenza-like illnesses.
Ayon kay PHILHEALTH President at Chief Executive Officer Dr. Edwin Mercado, hinikayat ang mga miyembro na makipag-ugnayan agad sa kanilang itinalagang YAKAP clinics sa oras na makaranas ng ubo, sipon, o lagnat upang agad na makapagpakonsulta at maiwasan ang paglala ng karamdaman.
Saklaw ng PHILHEALTH YAKAP benefit ang bayad sa konsultasyon, mahahalagang gamot, at mga laboratory test na inirerekomenda ng primary care physician.
Layunin nitong palakasin ang preventive healthcare at maagang pagtuklas ng sakit, alinsunod sa direktiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na magtatag ng isang malusog at matatag na bansa.
Hinimok ni PCEO Dr. Mercado ang publiko na huwag nang hintaying lumala ang ubo o lagnat at agad gamitin ang YAKAP benefit ng PHILHEALTH.
Idinagdag pa niya na dapat sundin ng lahat ang mga simpleng paraan upang makaiwas sa trangkaso, kagaya ng madalas na paghuhugas ng kamay, pagtatakip ng bibig at ilong kapag umuubo o bumabahin, at pag-iwas sa matataong lugar kung masama ang pakiramdam.
Pinaalalahanan din ng PHILHEALTH ang publiko na maaaring magparehistro at pumili ng YAKAP clinic sa pamamagitan ng eGovPH app, PHILHEALTH member portal, o sa pinakamalapit na PHILHEALTH Local Health Insurance Office.
Sakop din ng PHILHEALTH ang mga miyembrong kinakailangang dalhin sa ospital dahil sa malubhang sintomas ng trangkaso. Ang mga pasyenteng idinadaing bilang emergent o critical sa emergency room ay maaaring makinabang sa Outpatient Emergency Care Benefit.
Para naman sa mga pasyenteng kailangang ma-confine dahil sa influenza, nakalaan ang case rate package na nagkakahalaga ng Php12,870, bukod pa sa mga hiwalay na benepisyo para sa mga komplikasyong kagaya ng pulmonya.
Sa pinakahuling ulat ng Department of Health, tumaas ng mahigit 20 porsyento ang bilang ng mga kaso ng influenza at influenza-like illnesses sa bansa sa nakalipas na dalawang buwan, lalo na sa mga rehiyon ng Metro Manila, CALABARZON, at Central Luzon.
Ayon sa DOH, karaniwang sanhi ng pagtaas ay ang pabago-bagong panahon at pagpasok ng Amihan season.
Pinayuhan ng mga eksperto ang publiko na magpabakuna laban sa trangkaso, lalo na ang mga bata, senior citizens, at mga may chronic illness, upang makaiwas sa malubhang komplikasyon.
Sa huli, tiniyak ng PHILHEALTH na patuloy nitong ipaglalaban ang karapatan ng bawat Filipino sa abot-kayang kalusugan at agarang tulong medikal, lalo na sa mga karaniwang sakit kagaya ng trangkaso.






