Home NATIONWIDE Padilla kay Luistro: Trabaho ng prosecution ‘di manalo kundi mahanap katotohanan

Padilla kay Luistro: Trabaho ng prosecution ‘di manalo kundi mahanap katotohanan

1
0

MANILA, Philippines — Iginiit ni Senator Robin Padilla kay House lead prosecutor Gerville Luistro na hindi ang pagkapanalo kundi ang paghahanap ng katotohanan ang tungkulin ng prosecution, kasunod ng kanilang palitan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

“Ang tungkulin ng prosecution (piskal) ay hindi para manalo, kundi para sa katotohanan at proteksyon ng inosente,” pahayag ni Padilla sa isang Facebook post na naka-address kay Luistro nitong Huwebes.

“Ang tungkulin naman ng defense (tagapagtanggol) ay ang pagtiyak sa karapatang pantao at balanse sa kapangyarihan,” dagdag niya.

Inilabas ni Padilla ang pahayag isang araw matapos niyang hilingin sa House prosecution panel na huwag maging “one-sided.” Sa pagdinig noong Miyerkules, hinimok niya ang mga prosecutor na huwag magharap ng mga testigong may kaso ng perjury, at binanggit sina National Bureau of Investigation agents John Mark Calilung at Jeremy Lotoc.

Itinanggi ni Luistro ang pahayag ni Padilla at sinabing walang kasong perjury sina Calilung at Lotoc. Iginiit din niyang kahit ang pagkakaroon ng conviction ay hindi awtomatikong batayan upang ma-disqualify ang isang testigo.

“Napakaganda po ng sagot niyo. Sana hindi po one-sided ang prosecution,” tugon ni Padilla, na umani ng reaksiyon mula sa audience.

Sa isang news briefing matapos ang paglilitis noong Miyerkules, iginiit ni Luistro na tungkulin ng prosecution na patunayan ang kaso laban sa respondent, habang responsibilidad naman ng defense na ipagtanggol ang pagiging inosente nito.

“Kaya merong prosecution, is to establish the case. Kaya may defense is to defend the innocence of the respondent. So it is very much anticipated that the prosecution is biased towards presenting the case, presenting the evidence,” ani Luistro.

“Siguro, mas nakakapagtaka kapag naging neutral ang prosecution at lalong nakakapagtaka kung ide-defend namin ‘yung respondent,” dagdag niya.

Sinabi naman ni Padilla nitong Huwebes na dapat magsilbi ang prosecution at defense sa iisang layunin—ang pagkamit ng hustisya.

“Sa isang modelong sistemang legal, kapwa ang pag-uusig (prosecution) at ang pagtatanggol (defense) ay mga itinatag na haligi upang magsilbi sa iisang layunin: ang hustisya,” pahayag niya.

“Ang hustisya ay dapat maging ganap na neutral, bulag sa mga alyansang politikal, at bingi sa mga bulong ng kapangyarihan, dahil sa sandaling pumili ito ng panig, nawawalan ito ng katuturan bilang hustisya at nagiging purong pang-aapi lamang,” dagdag ni Padilla.

Sinabi ng GMA News Online na kinukuha pa nito ang panig ni Luistro kaugnay ng pinakahuling pahayag ng senador. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here