Home HOME BANNER STORY PNP chief, itinanggi harassment ng pulis sa photojourns: Pumapalag sila

PNP chief, itinanggi harassment ng pulis sa photojourns: Pumapalag sila

1
0

MANILA, Philippines — Itinanggi ni Philippine National Police chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na hinarass ng mga pulis ang mga photojournalist na nagko-cover ng kilos-protesta sa Maynila noong Miyerkules, Hulyo 22, ngunit tiniyak niyang magkakaroon ng patas na imbestigasyon sa insidente.

Sinabi ni Nartatez na nagpapatupad lamang ang mga pulis ng mga hakbang panseguridad sa isang itinalagang “No-rally zone” habang idinaraos ang mga aktibidad kaugnay ng ASEAN meeting.

“There’s no such thing as harassment, nandoon sila sa hanay ng raliyista, pumapalag sila, or whatever,” pahayag ni Nartatez sa isang ambush interview sa Pasay City.

Nasaksihan ng mga mamamahayag na nagko-cover sa protesta ang komprontasyon, habang kumalat din online ang mga video ng insidente.

Ayon sa Photojournalists’ Center of the Philippines, kinompronta ng mga pulis sina freelance journalist Bullit Marquez at Manila Times photo editor Rene Dilan at pinigilan silang kuhanan ang pag-aresto sa mga raliyista.

Pinalaya ang dalawa matapos tutulan ng kanilang mga kasamahan ang tangkang pag-aresto sa kanila. Sinabi rin ng grupo na nahulog ang kamera ni Marquez habang tinatangka siyang posasan ng mga pulis.

“Any act by law enforcement that prevents members of the press from documenting public assemblies undermines press freedom, the public’s right to information, and the principles of transparency and accountability,” pahayag ng grupo.

Sinabi naman ng National Union of Journalists of the Philippines na inaresto at panandaliang ikinulong din ng mga pulis si environmental activist at Bulatlat contributor Jian Sanz.

“It is apparent that members of the PNP violate its own rules in dealing with members of the media,” ayon sa NUJP.

Nagpahayag din ng matinding pagkabahala ang Foreign Correspondents Association of the Philippines sa iniulat na harassment kay Marquez, isang dating staff photographer ng Associated Press at miyembro ng FOCAP.

“Such actions are unacceptable. Journalists must be able to carry out their work without intimidation, obstruction, or threats,” pahayag ng FOCAP, kasabay ng pagsuporta nito sa isasagawang imbestigasyon.

Kinondena rin ng Presidential Task Force on Media Security ang tinawag nitong “act of aggression” laban sa mga mamamahayag at sinabing nakikipag-ugnayan ito kay Marquez at sa iba pang media worker upang pag-aralan ang mga posibleng hakbang.

Sinabi naman ng National Press Club na nakikipagtulungan ito sa task force para sa isang dayalogo kaugnay ng insidente. Binigyang-diin ng grupo na “mutual respect and open communication are the keys to a stronger partnership between the media and the PNP.”

Iniulat na napamura si Marquez matapos pigilan ng mga pulis ang mga photojournalist na kumuha ng larawan. Sinabi ni Nartatez na ipaaaresto rin sana niya ang mga ito kung naroon siya.

“Huwag silang magmumura. Nagmura ba ang mga police natin? And there’s no such thing as harassment,” ani Nartatez.

Iginiit niya na calibrated response ang ipinatutupad ng mga pulis habang hinaharap ang mga raliyista. Itinalaga aniya ang lugar bilang “No-Rally” zone dahil may mga dayuhang delegado na dumadalo sa mga aktibidad ng ASEAN.

Pinayuhan niya ang mga demonstrador na magsagawa ng mga protesta sa mga itinalagang freedom park sa Maynila, kabilang ang Liwasang Bonifacio, Plaza Miranda at Plaza Dilao.

Sa kabila ng pagtanggi ni Nartatez, sinabi ng PNP na nagsasagawa ito ng patas at masusing imbestigasyon sa insidenteng kinasasangkutan ng mga pulis at miyembro ng media.

“The PNP recognizes the important role of journalists and media practitioners in documenting events of public interest and respects their freedom to carry out their work. At the same time, our personnel remain duty-bound to ensure public safety, maintain peace and order, and implement the law,” ayon sa PNP.

“The PNP remains committed to transparency, accountability, and the continuous improvement of its engagement with the media and all stakeholders as we carry out our mandate of serving and protecting the public.” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here