MANILA, Philippines – Pinaigting ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mapayapang pag-aayos ng mga labor dispute alinsunod sa layunin ng administrasyong Marcos Jr. na itaguyod ang maayos na ugnayan ng manggagawa at employer at palakasin ang produktibidad.
Ayon sa March 2026 report ng NCMB, 8,523 manggagawa ang nakatanggap ng mahigit P1.5 bilyon na benepisyo matapos maresolba ang kanilang mga kaso.
Pinapakita nito ang epektibong conciliation, mediation, at voluntary arbitration ng DOLE bilang mabilis at abot-kayang alternatibo sa korte.
Sa ilalim ng Single-Entry Approach (SEnA), umabot sa 1,168 Requests for Assistance ang naresolba sa 80% settlement rate. Nakakuha ng P81.7 milyon ang 1,392 manggagawa.
Sa loob ng 30 araw, mabilis at patas na inaayos ang mga isyu bago pa lumala.
Ang SEnA ay isang administratibong paraan na nag-aalok sa mga manggagawa at employer ng praktikal at madaling paraan para tugunan ang mga alalahanin sa paggawa nang hindi dumadaan sa mahaba at magastos na legal na proseso.
Samantala, 69 preventive mediation cases ang naresolba sa 76% settlement rate sa loob ng 37 araw. Mahigit P30.9 milyon ang naipamahagi sa 5,691 manggagawa.
Bukod pa rito, 441 voluntary arbitration ang natapos s a panahon ito na may resolution rate na 31% para sa land-based at 46% para sa maritime. Umabot sa P1.3 bilyon ang nakuha ng 650 manggagawa.
Higit pa sa pagresolba ng mga alitan, nakakatulong din ang mga preventive measure ng DOLE sa mga manggagawa at employer na maiwasan ang mga sigalot sa lugar ng trabaho.
Ayon sa ulat ng NCMB, 5,756 sa 5,806 kumpanya o 99.14 percent na may itinatag na Labor-management Cooperation (LMC) Mechanism ay hindi nasangkot sa aktwal na welga o lockout notice od strike o lockout o preventive mediation cases.
Sa kabuuan, pinabibilis at ginagawang mas accessible ng DOLE ang pagresolba ng alitan para matiyak na nakukuha ng mga manggagawa ang benepisyong nararapat sa kanila, habang tinutulungan ang mga negosyo na panatilihin ang maayos at produktibong trabaho. Jocelyn Tabangcura-Domenden