Home NATIONWIDE Pag-apruba ng Senado sa judicial expansion bill pinuri ni Bong Go

Pag-apruba ng Senado sa judicial expansion bill pinuri ni Bong Go

MANILA, Philippines- Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang pag-apruba ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa sa House Bill No. 8250 na naglalayong tulungan ang sistema ng hudikatura sa Davao del Norte.

Ang panukalang batas na pangunahing inisponsoran ni Senator Francis Tolentino at co-sponsored ni Go, ay nag-aatas sa paglikha ng dalawang karagdagang sangay ng Regional Trial Court (RTC) sa Eleventh Judicial Region, na nakatalaga sa Island Garden City of Samal at sa Lungsod ng Panabo.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsisikap na amyendahan ang Seksyon 14(L) ng Batas Pambansa Blg. 129, na kilala rin bilang ‘The Judiciary Reorganization Act of 1980’.

Sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga bagong sangay ng korte na ito, ang panukalang batas ay tugon sa dumaraming bilang ng nakabinbing kaso at tiyakin ang mas mabilis na paghahatid ng hustisya sa rehiyon.

Bilang miyembro ng Senate committee on justice, nagpahayag ng suporta si Go sa pagpasa ng panukalang batas.

Binigyang-diin ni Go na mahalaga ang isang matatag na sistema ng hudikatura sa pagtataguyod ng demokrasya at pagprotekta sa mga karapatan ng mga mamamayan.

Pinasalamatan ni Go ang kanyang mga kasama sa Senado sa kanilang suporta sa panukalang batas.

“Ito ay patunay sa kung ano ang kaya nating makamit kapag tayo ay nagtutulungan para sa kabutihan ng lahat. I am grateful to my fellow senators for recognizing the urgent need to improve our judicial infrastructure,” ayon sa senador..

Bukod sa panukalang batas na ito, kasama rin si Go sa nagsulong ng labinlimang iba pang judicial expansion bill na naaprubahan sa ikatlong pagbasa.

Tiniyak ni Go sa publiko na patuloy siyang magsusulong ng mga reporma at pagpapabuti sa sistemang legal upang makinabang ang lahat ng Pilipino.

Naghain din siya ng SBN 1186, na naglalayong lumikha ng karagdagang dibisyon ng Court of Appeals at ang paghirang ng mga karagdagang mahistrado upang tulungan ang hudikatura na magbigay ng mas maaasahan, walang kinikilingan, at mabilis na paghahatid ng hustisya sa bansa. RNT