MANILA, Philippines- Itinalaga ang anim na ranking police officials sa mga bagong posisyon sa pinakabagong balasahan ng Philippine National Police (PNP) epektibo nitong Miyerkules.
Batay sa kautusan ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil na may petsang Mayo 14, itinalaga si Police Regional Office (PRO)-Caraga director Brig. Gen. John Kirby Kraft bilang bagong pinuno ng Directorate for Personnel and Records Management.
Samantala, pinalitan naman ni Highway Patrol Group (HPG) chief Brig. Gen. Alan Nazarro si Kraft bilang bagong PRO-Caraga director.
Si Director for Plans, Brig. Gen. Jay Cumigad naman ang humalili kay Nazarro bilang bagong HPG head habang inilipat si Col. Rudencindo Reales mula sa PRO 3 (Central Luzon) sa Directorate for Comptrollership.
Nagpalit sina Col. Bernardo Perez mula sa Directorate for Information and Technology Management (DICTM) at Col. Edwin Quilates mula sa PNP Training Service ng pwesto.
Ito ang ika-limang balasahan ng police officials mula nang maupo si Marbil bilang PNP chief noong Abril 1.
Nauna nang inihayag ni Marbil na kinakailangan ito upang ihandaang mga opisyal para sa mga susunod nilang tungkulin. RNT/SA