Home OPINION PAG-IBIG FUND MAY BAGONG ALL-TIME HIGH RECORD ULIT SA HOME LOANS

PAG-IBIG FUND MAY BAGONG ALL-TIME HIGH RECORD ULIT SA HOME LOANS

MATAPOS makatanggap ng papuri mula kay President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. sa katatapos lamang niyang ikalawang SONA o State of the Nation Address para sa record high home loans noong taong 2022 ang Pag-IBIG Fund, muli itong nagtala ng panibagong record para sa home loans base sa unang bahagi ng taong 2023.

Mula January 2023 hanggang June 2023 ay nakapaglabas ng halagang PHP 57.07B na home loans ang Pag-IBIG Fund na mas malaki ng Php 5.11B o 10% kumpara sa Php 51.96B sa kaparehas na panahon noong taong 2022.

Ikinatuwa ni DHSUD o Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Rizalino Acuzar ang malaking pondong nailalabas at nailalaan ng ahensya para sa mga nagnanais na magkaroon ng katuparang pangarap na bahay sa pamamagitan ng Pag-IBIG Fund Housing Loan program.

Suporta ito ng ahensya sa layunin ni Pangulong BBM na ma­bigyan ng abot-kaya at disenteng pabahay ang maraming pamil­yang Pilipino sa pamamagitan ng “Pambansang Pabahay para sa Pilipino” program alinsunod sa “Bagong Pilipinas” na adhikain ng administrasyon.

Ang pondong ipinahiram ng Pag-IBIG Fund ay nagbigay ng pagkakataon para sa 44,414 na miyembro na magkaroon ng sariling tahanan.

Sa bilang na ito, nasa 5,748 o 13% ang minimum-wage earners and low-income sectors pero ngayon ay homeowners na. Nasa Php 2.42 billion pesos ang inilaan ng Pag-IBIG Fund para sa socialized housing.

Naniniwala naman si Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta na ang magandang ipinakikitang performance ng home loans ay dahil na rin sa “affordability” ng mga pabahay ng ahensya kaya na ang lubos nilang pagtitiwala. Inaasahan niyang magtutuloy-tuloy ang magandang ipinakikita ng home loans prog­ram hanggang sa matapos ang taong 2023.

MAG-INGAT SA MGA NAGPAPANGGAP
NA EMPLEYADO NG METRO MANILA CENTER
FOR HEALTH DEPARTMENT

Nagbabala sa publiko ang Metro Manila Center for Health Department – Regulation, Licensing and Enforcement Division kaugnay sa mga nagpapanggap na empleyado o konektado sa nasabing opisina na lumalapit sa mga may-ari ng birthing homes at nag-aalok na sila ay tutulungan na ma-renew ang permiso online at humihingi ng solicitation bilang kapalit.

Hindi ito pinahihintulutan ng tanggapan. Ito ay maliwanag na panloloko. Pakiusap nila ay huwag itong patulan, at isumbong sa mga awtoridad ang nangingikil sa inyo.