INANUNSYO ng Home Development Mutual Fund o mas higit na kilala bilang Pag-IBIG Fund na papasok na ito sa mismong produksyon ng mga pabahay, isang makasaysayang hakbang para sa ahensyang kilala sa pagbibigay ng pondo at pautang.
Ito ang unang pagkakataon na sasabak ang Pag-IBIG Fund sa aktuwal na pagpapatayo ng mga bahay sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga pribadong developer at mga ahensya ng pamahalaan.
Paliwanag ng ahensya, bagaman isa sa bawat tatlong housing loan na naibibigay nito ay para sa socialized housing, pero halos wala nang gumagawa, kung kaya makikipag-partner ito sa mga contractor para matugunan ang kakulangan.
Layunin ng Pag-IBIG Fund na maabot ang target na Php 156.86 billion sa home loans para sa taong ito, katumbas ng mahigit 111,000 yunit ng pabahay. Subalit, sa datos noong katapusan ng May 2025, nasa Php 49.48 billion pa lamang ang nailalabas o katumbas lamang ng mahigit 30 porsyento ng buong taunang layunin.
Kabilang sa mga plano ng Pag-IBIG ay ang pagtatatag ng mga subsidiary at joint ventures hindi lang sa mga shelter agencies gaya ng National Housing Authority at Social Housing Finance Corporation, kundi pati na rin sa mga pribadong developer.
Nananatili namang positibo si Pag-IBIG chief executive officer Marilene Acosta na maaabot ang target sa 2025. Noong nakaraang taon, hindi naabot ng ahensya ang kanilang home loan goal matapos tumigil sa Php 130 billion mula sa target na Php 143 billion.
Umaasa si CEO Acosta na magbibigay ng bagong sigla sa sektor ang bagong Department of Human Settlements and Urban Development secretary Jose Ramon Aliling, sa pamamagitan ng pinalawak na Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) program na tututok na rin sa horizontal housing tulad ng mga townhouse at single-detached units.
Binanggit din ni CEO Acosta na may commitment ang mga developer na ipagpatuloy ang kanilang mga proyekto para sa socialized housing, sa kabila ng pagbaba ng produksyon nitong nakaraang tatlong taon.
Sa ilalim ng Affordable Housing Program ng Pag-IBIG Fund, makauutang ang mga kwalipikadong miyembro ng hanggang Php 850,000 na may subsidized interest rate na tatlong porsyento kada taon.
Bagama’t may opsyon ang Pag-IBIG Fund na pataasin ang loan ceiling upang madaling maabot ang kanilang loan targets, giit ni CEO Acosta, “Hindi nito tinutugunan ang tunay na problema – ang pagtulong sa mga higit na nangangailangan.”
Sa ngayon, ang maximum loan amount na maaaring makuha sa Pag-IBIG Fund ay Php 6 million.
Sa kabila ng mga hamon, nananatili ang ahensya bilang pangunahing institusyon sa home financing sa bansa, na may halos 40 porsyento ng kabuuang mortgage share at may 16.58 milyon aktibong miyembro sa buong bansa.






