MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado, Marso 15 na nakumpleto na ang pag-imprenta ng mahigit 68 milyong balota para sa 2025 national at local elections.
Ayon sa ulat, sinabi ng Comelec na sa oras na maisapinal na rin ang verification process para sa 68,542,564 balota, ang mga ito ay mamarkahan, siselyuhan at ihahanda na para sa distribusyon.
Kasabay nito, iniulat din ng komisyon na nagsimula na ang pagdispatsa sa anim na milyong rejected ballots mula sa warehouse nito sa Santa Rosa, Laguna.
Ibinyahe ang mga ito patungo sa paper mill sa Pampanga para sa disposal.
Samantala, natapos na rin ng Comelec ang pag-imprenta sa mahigit kalahati ng 68 milyong
voter information sheets (VIS) na kailangan para sa halalan.
Inanunsyo ni Comelec Chairperson George Garcia na hanggang nitong Marso 14, nasa 55% o 37 milyong VIS na ang naimprenta sa National Printing Office (NPO) satellite facility sa Meycauayan, Bulacan.
Sa nasabing bilang, 21% na ang naberipika. RNT/JGC