Home HOME BANNER STORY Robredo, De Lima: ICC trial ni Duterte, bahagi ng due process

Robredo, De Lima: ICC trial ni Duterte, bahagi ng due process

MANILA, Philippines – Bahagi ng due process para kina dating Justice Secretary Leila de Lima at dating Vice President Leni Robredo, ang pag-aresto at detention ng International Criminal Court kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa alegasyon ng crimes against humanity sa kanyang war on drugs.

“What we witnessed [during Duterte’s pre-trial hearing] was due process and the observance of Duterte’s rights as a suspect or accused before the ICC. Ganoon lang naman kasimple ang hiningi natin para sa libo-libong pinatay sa drug war, na sila ay binigyan sana ng pagkakataon na ipagtanggol ang sarili nila sa korte, imbes na dumerecho na lamang sa kamay ng mga berdugo ni Duterte,” sinabi ni de Lima sa isang joint press conference kasama si Robredo.

“Napakaswerte po ni Duterte sa pagkakataong binibigay sa kanya ng korte na kanya namang pinagkait sa libo-libo niyang pinapatay,” dagdag ni de Lima.

Ipinaliwanag ni De Lima na ang ICC trial ni Duterte ay naka-angkla sa dalawang lokal na batas, ang Republic Act 9851 o Act on the Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Crimes Against Humanity; at ang July 2021 Supreme Court ruling na nagbibigay mandato sa pamahalaan na makipagtulungan sa ICC proceedings kung may magawang krimen habang ang Pilipinas ay signatory ng ICC.

Matatandaan na noong Marso 14, 2018, ay inanunsyo ng administrasyong Duterte ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute, ang treaty na nagtatag ng ICC.

Ang withdrawal ay umipekto isang taon makalipas nito o noong Marso 14, 2019.

Anim na taon makalipas nito, inakusahan si Duterte ng crimes against humanity na mga nagawa sa pagitan ng 2011 at 2019.

“Republic Act 9851 was passed into law in 2009, way before we became a member of the ICC in 2011. It is clear under 9851 that the government can defer to an international court investigating the alleged crimes against humanity involving the former President. And it’s also the ICC that issued the warrant of arrest. Also, in the Pangilinan et al. versus Cayetano [Supreme Court decision], malinaw rin po sa unanimous ruling na iyon that even if we already withdrew, the ICC retains jurisdiction over the alleged crimes that were committed during the time that we were still a member,” sinabi ni de Lima.

“[Duterte’s representatives] are raising [questions on] due process. But… they are being accorded due process now before the ICC. You saw the initial proceedings last night.  Wala po akong nakikita na kakulangan sa batas o wala po akong nakikita na nilabag na batas,” dagdag pa niya.

Para naman kay Robredo, mas mahirap ang kondisyong naranasan ni De Lima kumpara kay Duterte, na nakulong ng pitong taon sa detention.

“I won’t go into the legalities, but I cannot help but compare ‘yung sitwasyon ngayon ni dating Pangulong Duterte sa sitwasyon ni Senator Leila before. Alam natin kung ano ‘yung pinagdaanan niya. She was incarcerated for almost seven years on trumped up charges,” ani Robredo.

“Nakita ko yung sitwasyon niya (de Lima) na malayo sa sitwasyon ngayon [ni dating Pangulong Duterte]. Meron siyang computer, maayos iyong kanyang kalagayan, he can freely roam around, merong mga conjugal and family visits… maluwag. ‘Yung kay Senator Leila noon, hindi talaga ganun,” dagdag pa ni Robredo.

Inalala ni Robredo na si De Lima, habang nasa detention sa Philippine National Police Custodial Center, ay mayroong mga limitadong prebilihiyo.

“She had to endure all of that. Kasi sinunod niya ‘yung due process. Hinarap niya yung charges against her… no matter how difficult and unfair those charges were. Kahit obvious na political harassment, hinarap niya,” pagbabahagi ni Robredo.

“So ang gusto ko lang sabihin, pinagdaanan niya to. And naging patient siya kasi alam niya may prosesong sinusunod. ‘Yung lahat lang na sinasabi ngayon, ano to eh, first step towards accountability, justice, na pinagdaanan rin ni Senator Leila. All this talk about everything that’s happening, about due process, about how unfair everything is… lagi kong nababalik dun sa sitwasyon na iyon,” dagdag pa niya.

Mula nang maaresto noong Marso 11, naghain ng kabi-kabilang petisyon ang kampo ni Duterte sa Korte Suprema para ipawalang-bisa ang pag-aresto sa dating Pangulo at pauwiin na sa bansa. RNT/JGC