Home NATIONWIDE PAGASA sa publiko: Mag-ingat vs mapanganib na tag-init!

PAGASA sa publiko: Mag-ingat vs mapanganib na tag-init!

MANILA, Philippines – Pinaghahanda ng state weather bureau PAGASA ang mga Pilipino laban sa nakapipinsalang tag-init na maaaring makapagdulot ng panganib sa kalusagan.

Ilang araw matapos ideklara ng ahensya ang pagsisimula ng dry season, ang Tarlac ay nagtala ng temperatura na 37.8 degrees Celsius noong Lunes, ang pinakamataas sa taong ito, sabi ni PAGASA Weather Services Bureau assistant chief Chris Perez.

Sinabi ni Perez na dapat asahan ng mga nasa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ang temperatura na mula 25 hanggang 38 degrees Celsius sa susunod na dalawang buwan.

Samantala, ang peak ng heat index ay mararamdaman ng mga Pilipino sa Abril at Mayo.

Pinaalalahanan ni Perez ang publiko na mag-ingat sa init, dahil ang matagal na pagkakalantad ay maaaring mapanganib sa katawan.

“Kapag ganitong range ng temperature dapat talaga kung wala tayong gagawin sa labas ng bahay ay manatili lamang po lalong-lalo na sa kasagsagan ng init ng araw, that is between 12-3 in the afternoon,” ani Perez.

“Otherwise, kung hindi maiiwasan ang outdoor activity ay ugaliing sumilong from time to time, uminom ng tubig to keep themselves hydrated and as much as possible, wear light colored and thin clothes para kumportable tayo,” aniya pa.

Sinabi ng weather bureau na inaasahan din nito ang naantalang pagsisimula ng tag-ulan sa huling bahagi ng taon dahil sa epekto ng El Nino. Santi Celario

Previous articleHatol kay Enrile sa pork barrel scam case ilalabas sa Mayo
Next articleImahe ng Our Lady of Fatima lumuha ng dugo sa CamSur