Home OPINION PAGBABAGO, HANGGANG SAAN AT KAILAN?

PAGBABAGO, HANGGANG SAAN AT KAILAN?

360
0

NAPAKARAMI na ang kumikilos para sa pagbabagong pulitikal ngayon sa mahal kong Pinas.

Mayroong hanggang pagwawakas lang ng korapsyon, habang ang iba, isyu ng korapsyon ang tuntungan nila sa mas mahalaga nilang mga pakay.

Sa panig ng ilang religious group, hanggang sa korapsyon lang at walang anomang pakay na galawin ang pinakamatataas na personahe kahit inaakusahan ang mga ito na sila ang ugat ng kabulukan.

Nakasiper ang bunganga ng mga ito sa pampulitikang anyo ng korapsyon.

Ang ilan naman, naghihintay lang ng pagbabagong pulitikal o pagpapalit ng mga korap sa pamahalaan ng ipinagdarasal nilang maaaring mas maliit na demonyo kesa malaking demonyo o korap.

Sa hanay ng mga grupong pulitikal, naririyan ang nagsusulong ng ganap na pagbaligtad ng sistemang pamahalaan at sila na ang hahawak nito.

Nais nilang pabagsakin ang lahat ng pangunahing namumuno sa bansa at sila ang tatayong mamahala sa buong gobyerno nang may ibang mga prayoridad.

Ang iba naman, naiisip nilang pagbabago ang pagtatayo ng gobyernong hindi na naaayon sa kasalukuyang Konstitusyon.

‘Yun bang === hindi na kikilalanin ang political succession na ang Bise Presidente ang papalit sa Presidenteng hindi na pupwedeng maging Presidente sa mga seryosong kadahilanan na inilatag ng Konstitusyon.

Ang iba na nauugnay sa hindi pagsunod sa palitan o political succession ayon nga sa Konstitusyon, gusto nilang manggagaling sa mga mayayamang negosyante ang mamuno sa bansa.

Ang iba, gustong sa dulo ng baril ang pagbabago at tinatawag itong military junta o gobyernong militar at pulis.

HALALANG 2028 DELIKADO

Sa mga nagaganap ngayon, mga Bro, halos lahat ng pagkilos para sa pagbabagong pulitikal ay may palatandaan na hindi na paaabutin ito sa halalang 2028.

Hindi na sa eleksyon daraanin ang pagpapalit ng mga namumuno sa bansa, kasama na ang buo o malaking bahagi ng sistemang pamamahala at sa mga araw na ito dapat umanong isagawa.

Kung mangyari ito, maging ang mga naghihintay ng Konstitusyonal na pagbabago sa 2028 elections at political succession ay susuko sa mga nagsusulong ng agaran nang pagbabago.

Naglalagablab ang pagnanais na pagbabago makaraang ibunyag mismo ni ex-Ako Bicol Partylist Zaldy Co ang matitinding akusasyon na hindi lang sa Kamara kundi mismo sa Palasyo nauugat ang korapsyon.

Hindi na basta mabubura ito sa isipan ng lipunan kahit minemenos ang halaga ng pagbubunyag nito sa pagiging hindo notaryado at hindi dumaan sa mga imbestigasyon.

Sinundan pa ito ng walang diretsahang paghahayag ni Senator Imee Marcos ukol sa pagkalulong sa droga ng kapatid niyang si Pangulong Bongbong Marcos.

At nagbubunga na ito ng kawalan ng buong kakayahan ng Pangulo na mamumuno nang matino sa bansa na sinasamantala naman ng mga mapagsamantala sa poder at yaman ng bansa.

Naririyan din ang aktuwal na bangayan na mismo sa loob ng Malakanyang gaya ng pagpapatalsik sa mga matataas na opisyal at pagpapalit sa mga ito sa isyu pa rin ng korapsyon at pang-aabuso sa tungkulin.

HANGGANG SAAN AT KAILAN?

Hanggang saan at kailan nga talaga ang pagbabago para sa tunay na interes ng sambayanang Filipino?

Sana hindi sa basurahan itatapon at ibabaon ang tunay na interes ng sambayanan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here