Kailangan ng mga reporma at pagbabago sa polisiya upang mahikayat ang mas maraming Filipino nurses na manatili at magtrabaho sa Pilipinas, ayon sa Philippine Nursing Association (PNA).
Sa Filipino Nurses Global Summit VI at 15th International Nursing Conference sa Pasay City nitong Huwebes, sinabi ni PNA president-elect Alicia Tullo na umaalis ang mga nurse sa bansa para sa mas magandang oportunidad sa ibang bansa.
Aniya, ang mas mataas na kompensasyon at mas maayos na kondisyon sa trabaho sa lokal na antas ang makababawas sa migrasyon.
“If the reason that they are motivated to leave their family and their loved ones …to go abroad is to have a better life for their family, how do you stop that? Give it to them here, then there’s no reason to leave,” ani Tullo. Dagdag pa niya, mas madaling maresolba ang access sa healthcare kung mas maraming nurse ang nasa komunidad.
Pinuri rin ni Tullo ang paglalaan ng pinakamalaking budget para sa healthcare sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tinawag niyang tamang direksyon. Binanggit niya ang pangangailangang unahin ang healthcare dahil mahalaga ang malusog na workforce sa pag-unlad ng bansa.
Sinabi naman ni Commission on Filipinos Overseas chairperson Dante Francis Ang II na layunin ng gobyerno na gawing pagpipilian, hindi pangangailangan, ang migrasyon para sa mga nurse. Ayon sa kanya, nakatuon ang ahensya sa diaspora engagement at mga programa upang matulungan ang mga Filipino nurses na makabalik sa bansa.
“Our programs are geared to link the Filipinos abroad back to the Philippines politically, economically, and culturally. We don’t encourage people to go out. What we do is to create programs that allow them to establish linkages back with the Philippines,” ani Ang.
Idinagdag niya na kailangan ng mga OFW ng impormasyon at suporta upang muling makaugnay at makapag-ambag sa pambansang kaunlaran. RNT