Iniharap sa mga media ni DILG Sec. Jonvic Remulla ang Russian-American content creator na si Vitaly Zdorovetskiy na nambastos ng ilang Filipino at ginawa pa nitong content habang bumibisita sa bansa.Nilinaw ni Sec. Remulla na hindi basta ipapadeport ng pamahalaan ang vlogger na idineklara nang ‘undesirable alien’ at nasa ilalim ng ‘restrictive custody’ ng Bureau of Immigration.Patong-patong na kaso ang kakaharapin ng vlogger sa bansa. Habang nasa harap ng media ay patuloy ang ginagawa nitong pang-iinis at pang-aasar sa harap mismo ni DILG Sec. Remulla. VAL LEONARDO
MANILA, Philippines- Hiniling ng Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy, kasalukuyang nakaditine dahil sa pangha-harass sa mga Pilipino sa publiko para sa content, kay Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na iurong ang mga kaso laban sa kanya, dahil umano sa mental health concerns.
Batay sa ulat nitong Biyernes, sinabi ni Remulla na nakatanggap siya ng liham mula sa Russian detainee.
“Sumulat sa akin na he is suffering from mental health issues daw,” pahayag ni Remulla. “Kung puwede i-drop na ‘yung mga kaso, humihingi siya ng patawad.”
Subalit, nanindigan si Remulla na hindi dapat palampasin ang mga aksyon ni Zdorovetskiy. Aniya pa, magsasampa ng kasong unjust vexation laban kay Zdorovetskiy sa susunod na linggo dahil sa pangha-harass umano sa tatlong security guards.
Nauna nang ibinasura ng Taguig Prosecutor’s Office ang theft charges subalit nakakita ng “sufficient evidence on record to establish a reasonable certainty of conviction for the crime of unjust vexation.”
Inihayag din ni Remulla na tinangka ng legal team ni Zdorovetskiy na makipag-areglo sa security guards.
“Mabuti na lang, ‘yung mga security guards ay matibay ang loob. Hindi bumigay at itutuloy natin ang kaso,” wika ng opisyal.
Wala pang komento ang legal team ng Russian vlogger ukol dito. RNT/SA