MANILA, Philippines – Matinding pinalagan ni Senador Risa Hontiveros ang inaprubahan na panukalang batas na magbibigay ng Filipino citizenship sa isang Chinese national na sangkot sa operasyon ng Philippine offshore gaming operators (POGO).
Sa sesyon nitong Lunes, Enero 27, kahit inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang pagbibigay ng Filipino citizenship kay Chinese natinal Li Duan Wang na sangkot sa POGO sa ilalim ng House Bill No,. 8839, nag-iisang tumindig si Hontiveros upang tutulan ito.
Nakakuha ng botong 19 pabor, isang kontra at walang abstention ang naturang panukala.
Sa pagkontra, umapela si Hontiveros sa kasamahan na ibasura ang panukala dahil pawang “junket operator” si Wang ng Nine Dynasty Casino, isa sa pinakamalaking namuhunan sa Pogo na nabulgar sa ilang pagdinig ng Senate panel on women.
Ayon kay Hontiveros, hindi binaggit ni Wang, sa application para sa naturalization, ang pagiging junket operator ng Nine Dynasty. Aniya, nakakaalarma ito na kung legal ang junket, dapat itinatago ito sa publiko.
Bukod dito, ibinulgar din ni Hontiveros na maraming taxpayer identification numbers, na taliwas sa patakaran ng bansa.
Ibinulgar din ng senador na miyembro din si Wang ng Philippine Jinjiang Yu Shi Association, na pinaniniwalaang united front ng Communist Party of China.
“Have we not learned anything from Guo Hua Ping, also known as Alice Guo, or Yang Jianxin, otherwise called Tony Yang? Have we not learned our lesson when we were fooled by foreigners who pretended to be Filipino in order to taint our system?” aniya sa ginanap na plenaryo nitong Lunes.
“Are we going to ease our policies to an individual who has hidden from Congress his sketchy ties?” dagdag niya.
Ipinaliwanag pa ni Hontiveros na hindi nito itinuturing na guilty si Wang, pero tinutukoy lamang ang ilang red flags na nakapaligid sa aplikasyon ng Chinese national na dapat maging sapat na hindi siya mabigyan ng Filipino citizenship. Ernie Reyes