MANILA, Philippines – Matinding binatikos ni Senador Sherwin Gatchalian ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) sa pag-isyu ng provisional license sa tinaguriang “high-risk” na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sapat na batayan aniya ang naturang klasipikasyon upang tanggihan ng regulator ang aplikasyon nito sa pagkuha ng lisensya.
Sa kaso ng Zun Yuan Technology Inc., ang kumpanya ng POGO na nakabase sa Bamban, Tarlac na kamakailan ay ni-raid ng pulisya, inamin mismo ng PAGCOR na ito ay “high-risk” batay sa risk profiling nito pero binigyan pa din ng provisional license.
“Kapag high-risk, hindi na dapat payagan dahil ibig sabihin delikado na ‘yan. At totoo nga, nagtuloy-tuloy pa ang iligal na operasyon nila. Kung walang mga complainant, baka marami pang human trafficking, torture, at mga online scam ang nangyari,” sabi ni Gatchalian sa isang pagdinig ng Senado kamakailan, na tinutukoy ang Zun Yuan Tech.
“Iminumungkahi ko na dahil sinimulan na ng PAGCOR ang risk profiling sa mga aplikante ng internet gaming licensees o IGL, ang mga nauuri bilang high-risk ay hindi dapat payagang mag-operate,” diin niya.
Ayon pa sa senador, nagdulot ng problema ang provisional license. Ipinunto niya na ang proseso ng pagbibigay ng provisional license ay hindi naman kasama sa guidelines na mismong PAGCOR ang bumalangkas para pangasiwaan ang operasyon ng mga POGO sa bansa, na ngayon ay tinatawag na IGLs.
“Kayo mismo ang lumalabag sa inyong sariling mga alituntunin at iyon ang dahilan kung bakit ang lahat ng mga krimen na ito ay nangyayari,” sabi niya sa mga opisyal ng PAGCOR.
Ang kasalukuyang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, ipinunto rin ni Gatchalian na nabigo ang Zun Yuan na matugunan ang requirement ng PAGCOR para sa authorized capital stock (ACS) na P100 milyon na may paid-up capital stock na humigit kumulang sa P25 milyon.
Batay sa rekord, hindi pa natutugunan ng Zun Yuan ang minimum capital requirement noong inisyu ng PAGCOR ang provisional license.
Gayundin, nabigo ang PAGCOR na magsagawa ng maayos na probity check dahil nabigo itong makita na ang address ng tirahan ni Jamielyn Cruz, ang Chairman ng Board ng Zun Yuan, ay pineke dahil non-existent ito, ayon kay Gatchalian.
“Ang lahat ng mga sitwasyong ito ay mga red flags na para hindi mag-operate ang Zun Yuan. Ang proseso ng pag-apruba ng POGO ng mga lisensya ay dapat gawing simple: kung ang mga kumpanya ay kwalipikado o hindi at kung dapat silang bigyan o tanggihan ng lisensya batay sa kanilang kwalipikasyon. Maliwanag, ang Zun Yuan ay hindi kwalipikado sa simula pa lang,” sabi ni Gatchalian, na hinimok ang gaming regulator na sumunod sa sarili nitong mga panuntunan.
Matagal nang isinusulong ng senador na ipasara na ang mga POGO sa bansa. “Itigil na natin itong kalokohan na ito dahil ginagamit lang ng mga kawatan ang kunwari’y legitimate license nila para lokohin tayong lahat,” pagtatapos niya. Ernie Reyes