CAGAYAN DE ORO, Philippines – Nagsagawa ng malawakang manhunt ang Cagayan de Oro City Police Office para sa dalawang tao na itinuturing person of interest sa pagpatay kay Bhea Yna Balus, 22 anyos na working student, na natagpuang patay sa isang boarding house noong nakaraang linggo.
Ayon kay Cocpo spokesperson Police Capt. Emelita Simon, hindi pinapalampas ng mga imbestigador ang anumang lead at masusing kinokolekta ang ebidensya upang mabilis na mahuli ang responsable.
Ang pangunahing POI ay ang boardmate ng biktima, isang job-order employee sa City Disaster Risk Reduction and Management Department.
Ayon sa CDRRMD chief Nick Jabagat, hindi nag-report sa 24-hour shift ang suspek noong Pebrero 16 at hindi na makontak.
Nang pinuntahan siya sa boarding house, naramdaman ang mabahong amoy na nagtulak sa kanila na tawagan ang pulisya.
Natuklasan sa paunang imbestigasyon na si Balus, isang fourth-year BS Management Accounting student sa Liceo de Cagayan University, ay huling nakita noong Valentine’s Day, Pebrero 14, at natagpuan ang kanyang bangkay noong gabi ng Pebrero 19 sa kanyang inuupahang silid sa Burgos-Gomez Streets, Barangay 7.
Mayroon ding pangalawang POI na kasalukuyang iniimbestigahan, ngunit hindi pa inilalabas ang pangalan nito habang tinitiyak ang kanyang posibleng pagkakasangkot.
“Cocpo extends its deepest condolences to the grieving family of the 22-year-old student whose promising life was tragically cut short,” ani Simon. Pinangako rin ng awtoridad na gagamitin ang lahat ng pamamaraan ng imbestigasyon upang maresolba ang kaso. RNT/MND