MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson noong Linggo na ang anumang posibleng dialogue sa Chinese Embassy tungkol sa West Philippine Sea (WPS) ay hindi nangangahulugang pagsuko ng teritoryo o pagpapasakop sa pressure.
Nilinaw ni Lacson na ang usapan, na kanyang iminungkahi matapos ipahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan ang kahandaang makipag-ugnayan sa mga lider ng Pilipinas, ay tututok sa malinaw na komunikasyon at hindi sa pag-aari ng pinagtatalunang mga lugar.
“Wala tayong sinusuko at ‘di tayo yumuyuko. Gusto lang natin maiwasan ang maaanghang na palitan ng salita through social media. Mas maganda ang direktang pag-uusap,” ani Lacson.
Ayon sa senador, hindi rin nangangahulugan ang anumang engagement ng pagbibigay ng teritoryo para lang mapawi ang tensyon. “Mas mainam ang maliwanag na maliwanag. Wala tayong sinusuko at hindi tayo yumuyuko,” dagdag niya.
Pinuri niya si Erwin Tulfo, bagong chair ng Senate Committee on Foreign Relations, sa kanyang inisyatiba na makipagpulong sa embassy officials. Idinagdag ni Lacson na mahalaga ang pagkakaisa ng mga mambabatas bago makipag-ugnayan sa mga dayuhang kinatawan, dahil ang pampublikong alitan tungkol sa WPS ay nagdudulot ng negatibong imahe. RNT/MND