ANG puwersa ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army ay mahina na.
‘Yan ang buong tiwalang inilahad ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, na siya ring tagapagsalita at namumuno sa Strategic Communications Office ng ahensiya.
Ang sabi ni Malaya, 75 porsyento ng NPA guerrilla fronts ay nalansag na habang ang natitira ay 22 na lang sa dating 89 fronts nito.
Paliwanang ng opisyal, mahina na ang puwersa ng CPP-NPA dahil wala na silang makuhang suporta mula sa mga kababayan natin na noong una ay nakikisimpatiya sa kanila dahil na rin sa takot na patayin sila ng mga ito.
Sinabi pa ni Malaya, watak-watak na ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army at sa 22 natitirang pwersa nito.
Bakit nagkawatak-watak? Kasi nga bukod sa nasusukol na ng mga tropa ng ating pamahalaan, ang ating mga kababayan sa kanayunan ay binubuhusan na ng mga proyektong pangkaunalaran, gaya ng mga classroom, kalsada, pangkalusugan at pangkabuhayan na mga kagamitan ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict o’ NTF-ELCAC.
Sa paraan kasing ito, nakukuha at naibabalik ng pamahalaan sa ilalim ng Marcos Administration ang tiwala ng ating mga kababayan sa mga kanayunan na dati ay pinepeste ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA.
Noong panahon ng dating Administrasyong Duterte kung saan nalikha o binuong ang NTF-ELCAC, kasama ang Barangay Development Program kung saan P20 milyon ang inilalaan o’ inilalagak sa kada barangay na nalinis na ng mga militar sa mga pesteng komunistang-teroristang CPP-NPA.
Paraan ito upang pati ang mga nakikisimpatya sa CPP-NPA ay maliwanagan na ang pamahalaan ay ang kanilang kaagapay sa tunay na kaunlaran at hindi ang maling kaisipang ipinagdidiinan sa kanilang kaisipan ng mga komunistang-terorista.
Dahil sa husay ng ilan nating mga mambabatas ay ibinaba ang halagang inilalaan ng NTF-ELCAC para sa kaunlaran ng mga barangay na pineste ng mga CPP-NPA sa P6 milyon na lamang.
Ano man ang naging dahilan ng mga deputado natin diyan sa Kongreso at Senado, huwag na natin pag-usapan, dahil pihadong sasakit lang ang ating mga ulo.
Ano na lamang ba ang anim na milyon ngayon? Kulang nga ito sa pagpapatayo ng isang kagandahang bahay o’ matutuluyan.