Home OPINION PROTEKTOR NG DROGA MAHIRAP TIBAGIN

PROTEKTOR NG DROGA MAHIRAP TIBAGIN

DISMAYADO si Sen. Ronald “Bato”Dela Rosa, chairman ng Public Order at Dangerous Drugs sa Senado at iba pang mambabatas sa patuloy na isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa kontrobersyal na ‘cover-up’ ng halos isang tonelada ng shabu na nasamsam kay PEMS Rodolfo Mayo, intelligence officer ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group noong nakaraang taon.

Kung napanood natin ang Senate inquiry, napikon na sina Dela Rosa, Senataors Raffy Tulfo at Robin Padilla nang pagtatanong sa mga sangkot sa itinuturing na pinakamalaking iskandalo sa PNP subalit hindi pa rin isinusuka ng mga ito ang mga opisyal na nasa likod ng sindikato ng droga na pinaniniwalaang protektor nito.

Hindi umubra ang stratehiya sa pag-iimbestiga ng da-ting PNP chief at ngayo’y Senador kina P/Col. Julian Olonan, P/LtCol Arnulfo Ybañez at P/LtCol Glenn Gonzales sapagkat hindi niya nagawang poumiyok ang mga ito at ikanta ang umano’y mga boss na may utos upang pansamantalang pakawalan si Mayo ilang oras matapos ang kontrobersyal na operasyon.

Kasing tigas ng adobe at bakal ang paninindigan nila kaya naman hirap na hirap ang mga mambabatas na matumbok kung sino ang mga protektor ng sindikato ng droga sa bansang hindi pa rin matuldukan sa kabila ng kaliwa’t kanang nasasamsam ng mga awtoridad ang tone-toneladang shabu.

Patunay lang na animo’y malalaking ugat na bumaon na sa lupa at hindi kayang putulin ang kalakaran ng iligal na droga sa bansang protektado ng ilang tiwali at ganid sa kwartang mga opisyal na nakinabang nang husto sa sindikato ng droga na sumira ng milyon-milyong kababayan.

Unawa natin ang saloobin ni Dela Rosa na hangga’t hindi lumulutang ang mga sabit sa sindikato,hindi rin matitigil ang pagdagsa ng shabu sa bansang pinaniniwalaang Chinese mafia ang supplier nito.

Nakakatakot nga naman, ayon sa senador, na marami pang indibidwal ang mape-perhuwisyo nito habang hindi natutuldukan ang kalakaran ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.

Sa totoo lang,hindi mamamayagpag ang iligal na gawain kung walang basbas mula sa ilang baluktot na mga opisyal na ginawang gatasan ang droga.

Previous articlePAGHINA NG CPP-NPA
Next articleRAPISTS SA GRADE 10 IKULONG, KASUHAN NA