MANILA, Philippines – Nais ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na maging susunod na Ombudsman ng bansa.
Mismong si Remulla ang nagkumpirma na maghahain siya ng aplikasyon sa Judicial and Bar Council (JBC) para sa posisyon bilang Ombudsman.
“Mag a-apply ako, mag a-apply pa lang ako. I’m submitting my application by Friday, before Friday,” ani Remulla.
Si Ombudsman Samuel Martires ay nakatakdang magretiro sa Hunyo 27.
Mayroon na lamang hanggang Hulyo 4 para magsumite ang mga aplikante ng kanilang application sa JBC.
Bukod kay Remulla, aspirante din sa pagiging Ombudsman sina Philippine Competition Commission (PCC) Chairman Michael Aguinaldo at Justice Undersecretary Jose Cadiz Jr.
Ang susunod na magiging Ombudsman ay may termino hanggang 2032.
Una nang sinabi ng JBC na ang online applications at rekomendasyon ay maaaring isumite sa JBC Online Registration and Application System (JBC O.R.A.S.) sa pamamagitan ng judicial platform na http://www.portal.judiciary.gov.ph.
Nakasaad sa batas na kabilang sa requirement para maging Ombudsman, Deputy at Special Prosecutor ay pagiging natural born citizen ng Pilipinas, hindi bababa sa 40 taong gulang, tapat at independent, miyembro ng Philippine Bar at hindi naging kandidato sa eleksyon.
Ang mapipiling Ombudsman ay dapat may 10 taong karanasan sa law practice o kaya ay naging hukom.
Si Martires na dating Supreme Court Associate Justice ay itinalaga bilang Ombudsman noong Hulyo 26, 2018 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. TERESA TAVARES