MANILA, Philippines – Nakakuha na si Leyte Representative Martin Romualdez ng matibay na suporta sa mga kasamahan sa Kamara para sa reelection nito bilang Speaker of the House, sinabi ng mga House leader nitong Huwebes, Hunyo 26.
Ang anunsyong ito nina House Assistant Majority Leaders Ernesto Dionisio ng Manila at Zia Adiong ng Lanao del Sur ay nang tanungin kung humihiling pa rin ba ng suporta si Romualdez para sa pagiging Speaker nito sa 20th Congress.
“Congress is a collegial body, there are already at least 283 who signed the manifesto. That [number] is an overwhelming majority in support of Speaker Martin Romualdez, and this manifesto shows a strong support in the leadership of Speaker Martin is supported by the House members and incoming 20th Congress,” sinabi ni Dionisio sa isang press conference.
Nang tanungin naman kung may matinding napipisil ba sa pagka-Speaker bukod kay Romualdez, sinabi ni Dionisio na: “Parang malabo.”
Sina House Deputy Speaker at Cebu Rep. Duke Frasco ang highest ranking House leader na hindi pumirma ng manifesto na nagbibigay-suporta sa reelection ng Speaker.
Ani Frasco, kung bibigyan ng pagkakataon ay iboboto niya si Navotas Rep. Toby Tiangco o Negros Occidental Rep.-elect Albee Benitez bilang Speaker.
Samantala, sinabi naman ni Adiong na malaya naman si Frasco na pumili ng kanyang kandidato.
“Wala pong pilitan rito.”
Iginiit ng mambabatas na ang liderato ni Romualdez ay matibay na at dapat panatilihin ang pagiging maayos nito sa pamumuno.
“If it is not broken, why fix it?,” ayon pa kay Adiong. RNT/JGC